PRWC » Operasyong haras sa Baleno, pagsalubong sa panibagong taon ng mas determinadong rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Masbatenyo!


Salamat sa mahigpit na suporta ng mamamayang Masbatenyo, matagumpay na hinaras ng isang yunit ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan Masbate ang nag-ooperasyong tropa ng 96th sa Sityo Lantawan, Barangay Gangao, bayan ng Baleno, noong Enero 13, 2024. Matapos ang ambus, kagyat na itinago ng mga militar ang kanilang kaswalti upang pagtakpan ang kahihiyan.

Ang naturang haras ay bahagi ng walang maliw na pagsisikap ng BHB-Masbate na kamtin ang hustisya para sa mga biktima ng abusong militar at ipagtanggol ang mamamayan sa nagpapatuloy na paghaharing militar sa prubinsya. Matatandaang bago matapos ang taong 2023, pinatay ng militar ang magsasakang si Pedro Cuevas sa Barangay Maanahao, bayan ng Palanas. Si Cuevas ang ika-24 biktima ng pampulitikang pamamaslang sa Masbate sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Jr.

Babala rin ang naturang aksyong gerilya sa AFP at PNP na itigil na ang nagpapatuloy na militarisasyon sa mga eskwelahan. Irineklamo ng ilang mga kaibigan sa Department of Education-Masbate ang patuloy na pagpasok ng mga militar sa mga eskwelahan para magrekrut sa Army at sapilitang kuhaan ng impormasyon ang mga estudyanteng batid nilang naninirahan sa mga sonang gerilya. Ilang mga estudyante na ang hindi makapasok sa eskwela dulot ng takot sa presensya ng militar.

Walang katotohanan ang palabas ng militar na may nadamay na sibilyan sa naturang haras. Malayo sa mga komunidad ang pangyayari. Malamang na gawa-gawa lamang ng militar ang naturang pekeng impormasyon para bahiran ng putik ang matagumpay na aksyon at pagtakpan ang mga pinsalang tinamo ng kanilang tropa.

Maraming hamon ang kailangang nagkakaisang harapin ng mga Masbatenyo at ng kanilang rebolusyonaryong kilusan sa pagpasok ng bagong taon. Nariyan ang ekspansyon ng mapaminsalang Filminera-Masbate Gold Project. Nariyan ang lalong nag-uulol na desperasyon ni Gov. Antonio T. Kho na makapanatili sa kapangyarihan na nangangahulugan ng mas malawakan pang pangangamkam ng lupa at mas matindi pang atakeng militar.

Determinado ang rebolusyonaryong kilusan sa Masbate na isulong ang digmang bayan para sa tunay na kalayaan at pangmatagalang kapayapaan. Kaugnay nito, ipinapahayag ng Jose Rapsing Command-Bagong Hukbong Bayan ang pagsuporta sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa balangkas ng naunang mga kasunduan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!