PRWC » Lalong pagsadsad ng produksyon at paglobo ng disempleyo


Kinatangian ng maramihang pagsisisante at pagsasara ng mga pabrika ang ekonomya ng Pilipinas noong 2023. Puu-puong libong mga trabaho ang sabay-sabay na nawala dulot ng paglilipat ng mga dayuhang kumpanya ng kanilang mga operasyon sa ibang bansa. Pinakamatingkad na mga halimbawa ang malawakang pagsisisante sa Mactan Export Processing Zone, kabilang ang di bababa sa 10,000 tinanggal ng Sports Center International, isang kumpayang Taiwanese, na nagsusuplay ng damit sa malalaking kumpanyang Amerikano at European. Nagkaroon din ng pagbabawas ng mga manggagawa sa mga kumpanya ng semiconductor, tulad ng Nexperia, isang kumpanyang Dutch, na nagsara ng departamento para makatipid ng gastos sa produksyon at puntiryahin ang unyon ng mga manggagawa doon.

Ayon sa pag-aaral ng Ibon Foundation, umabot sa 1.4 milyon ang nawalan ng trabaho noong Nobyembre 2023. Sangkatlo ito sa kabuuang bilang ng mga inempleyo sa subsektor ng pagmamanupaktura noong Nobyembre 2022. Sa ngayon, nasa 2.9 milyon ang iniempleyo sa subsektor, singdami lamang ng iniempleyo nito noong 2003 (2.8 milyon). Pinakamababa sa nakaraang 20 taon ang kasalukuyang bilang ng inieempleyo sa manupaktura.

Sa unang tatlong kwarto ng 2023, naitala ang pinakamababang tantos ng paglago ng sektor ng manupaktura sa nakaraang 75 taon. Sa panahong ito, binubuo ng sektor na ito ang 17.6% lamang ng kabuuang gross domestic product (GDP o lokal na produksyon) noong 2023, pinakamababang antas kasunod ng 16.3% na naitala noong 1949. (Noong 2000, ang manupaktura ay 25% ng GDP; at 20% noong 2013.)

Umabot lamang sa 0.3% ang “paglago” ng manupaktura maging sa huling kwarto ng 2023, sa kabila ng pag-asa ng mga kapitalista na “sisigla” ang subsektor. Inaasahang tuluy-tuloy na malulugmok ang pagmamanupaktura sa unang kwarto ng 2024, dulot ng tipikal na pagbaba ng pagkonsumo pagkatapos ng kapaskuhan, mataas na implasyon at tantos ng interes ng pautang. Ganito rin ang inaasahan para sa buong 2024 dahil sa matataas na presyo ng batayang mga bilihin, hilaw na materyales at gastos sa produksyon.

Walang saligang mga industriya

Mula’t sapul, kinubabawan at binansot ng dayuhang kapital, pangunahin ng US, ang umusbong na mga industriya sa Pilipinas sa maagang bahagi ng ika-20 siglo. Ayon sa mga pananaliksik, nabansot na ang paglago ng mga industriyang Pilipino mula pa noong dekada 1960. Pinanatili nitong atrasado, agraryo at hindi industriyalisado ang sistema ng produksyon sa Pilipinas.

Hungkag at panlilinlang ang mga deklarasyon ng reaksyunaryong estado na “magiging industriyalisado” ang Pilipinas sa unang dekada ng siglo 2000, tulad ng ipinagmamalaki noon sa “Philippines 2000” sa ilalim ng rehimeng US-Ramos. Ipinatupad ng sunud-sunod na rehimen ang todo-todong mga hakbanging neoliberal (liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon) alinsunod sa balangkas ng imperyalistang “globalisasyon” na ipinangalandakan noon na “magpapaunlad” sa Pilipinas. Taliwas dito, pasadsad nang pasadsad ang padron ng industriya sa nakaraang mahigit tatlong dekada. (Tingnan ang tsart). Hindi na rin umangat sa 15% ang bahagi nito sa kabuuang empleyo.

Ang pinakamalaking bahagi ng pagmamanupakura, sa usapin ng halaga, ay nakatuon sa pag-eeksport ng mga produktong semi-processed (asembliya at manwal na pag-iinspeksyon). Bahagi ito ng internasyunal na assembly line, sa tinatawag na “global value chain” ng mga monopolyo kapitalista. Sadyang inilaan para sa kanila ang ekta-ektaryang mga engklabo ng paggawa (export processing zone o EPZ) kung saan ginawaran sila ng sangkatutak na mga benepisyo at insentiba. Nitong huli, higit pa silang pinaburan ng batas na naglilibre sa kanila sa buwis (batas na CREATE) at mga patakarang nagpapadali sa kanilang pagnenegosyo (ease of doing business).

Hindi nakadugtong, pataas man o pababa, sa lokal na ekonomya ang dayuhang mga empresa sa mga engklabong ito, liban sa mura at kiming lakas-paggawa at kasanayan ng manggagawang Pilipino. Sinasamantala ng mga dayuhang kapitalista ang mala-alipihing sahod ng paggawa (laluna mula nang ipatupad ang wage regionalization noong 1997) at batas na nagpapahintulot sa kontraktwalisasyon. Lubos nilang pinakikinabangan ang pagsupil sa pag-uunyon at pagwewelga sa ngalan ng “kapayapaang industriyal,” at nitong nagdaang mga taon, ang armadong panunupil ng pasistang militar at pulis sa pangunguna ng NTF-Elcac.

Hindi obligado ang dayuhang mga kapitalista na panatilihin o pagulungin sa loob ng Pilipinas ang kanilang supertubo. Malaya rin silang ilabas-masok sa bansa ang kanilang mga operasyon nang hindi naglilipat ng kaalaman o teknolohiya na maaaring gamitin ng mga Pilipinong kapitalista.

Sa nagdaang apat na dekada, marami nang malalaking empresa ang pumasok sa bansa, nagsamantala sa murang paggawa, nakinabang sa mga insentiba, kumita ng daan-daang milyon dolyar, pero kalauna’y umalis para ilipat ang kanilang operasyon sa ibang atrasadong bansa. Halimbawa nito ang mga kumpanyang Intel Corporation, na natagal ng 35 taon sa bansa, Hanjin (12 taon) at Shell/Chevron (21 taon). Noon, tulad ngayon, walang dalang industriyal na pag-unlad ang mga kumpanyang ito at umalis na walang iniwan kundi laksa-laksang manggagawang walang trabaho.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!