Ang Bayan Ngayon » Pagmimina at pagkalbo sa gubat ang sanhi ng pagbaha at mga landslide sa Davao at Caraga


Isinisi ng Bagong Alyansang Makabasa-Southern Mindanao Region (Bayan-SMR) ang pinsala at trahedyang dala ng walang tigil na pag-ulan sa rehiyon sa nagpapatuloy na mga operasyon ng mapangwasak na mina, at pagkalbo sa kagubatan sa Mindanao.

Tinatayang nasa ₱78 milyon ang pinsala sa agrikultura dulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga rehiyon ng Davao at Caraga nitong nagdaang mga linggo. Sa kasalukuyan, siyam na bayan ang ipinailalim sa state of calamity dahil dito.

Sa datos ng National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Enero 23, pinakamalaki ang pinsalang naitala sa rehiyon ng Davao sa halagang ₱64,069,839. Samantala, ₱14,040,579.6 naman ang tinatayang halaga ng pinsala sa CARAGA. Ayon din sa ahensya, umaabot sa 768,387 indibidwal ang apektado ng mga pagbaha at pag-ulan mula pa Enero 14.

Sa Davao de Oro, umabot sa 15 ang nasawi dulot sa pagguho ng lupa sa Purok 19, Pag-asa sa Barangay Mt. Diwata, Monkayo noong Enero 18. Sa Davao City, lumubog sa baha ang ilang mga baryo at daan, kabilang sa Bankerohan at Jade Valley, dahil sa walang tigil na pag-ulan.

“Habang may mga pagsisikap ang ilang lokal na gubyerno, mga grupong maka-kalikasan at mga relief worker, kailangang kilalanin ang papel ng pandarambong sa kalikasan at pagpapabaya ng estado sa kasalukuyang mga pangyayari,” pahayag ng grupo noong Enero 20. Inihalimbawa nito ang tuluy-tuloy na pandarambong na nagaganap sa Pantaron mountain range, ang pinamalawak na mountain range sa Mindanao na tumatawid sa mga prubinsya ng Misamis Oriental, Bukidnon, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao del Norte, at Davao del Sur.

“(N)akikipagsabwatan ang mga ahensya ng gubyerno, tulad ng DENR, sa pamiminsala sa kanayunan sa pamamagitan ng pagbigay ng mga clearance sa multinasyunal na mga kumpanya (sa pagmimina), katulong ang mga pwersang panseguridad ng estado, para pasukin ang ating mga kabundukan at dambungin ang ating mga natural na rekurso,” ayon sa grupo.

Kabilang sa pinangalanan ng grupo ang tatlong kumpanya sa pagmimina sa protektadong Mt. Hamigitan (Sinophil Mining & Trading Corporation, Hallmark Mining Corporation, Austral-Asia Link Mining Corporation); Kingking Mining Corporation at mga lugar ng pagmimina sa Pantukan at magkanugnog na mga bayan ng Compostela Valley/Davao de Oro; at tatlo ring kumpanya sa pagmimina sa Talaingod, Davao del Norte (One Compostela Valley Minerals, Inc, Phil. Meng Di Mining & Development Corporation, Metalores Consolidated, Inc.

Sa mga pinangalanan, pinakamalaki ang sasaklawin ng Metalores Consolidated Inc, na binigyan ng lisensya na dambungin ang mahigit 15,000 ektaryang kagubatan sa Talaingod.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!