Umabot na sa Batangas ang “people’s initiative” na binabalahura at ginagamit ngayon ng mga alipores ni Marcos Jr upang baguhin ang konstitusyon ng papet na Republika ng Pilipinas. Sa halip na matapat na paliwanagan hinggil sa tunay na layunin ng papeles na pinapipirmahan, tinatakot o di kaya’y nililinlang ang mamamayan sa pagsasabing para ito sa ‘ayuda,’ gaya ng ginagawang panloloko sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sinasamantala ng kasalukuyang rehimen ang kumakalam na sikmura ng mamamayang Pilipino para sa makasarili nitong interes na ibuyangyang ang bansa sa mga dambuhalang korporasyong dayuhan, na pangunahin ay mula sa mga imperyalistang bayan gaya ng US at China na pumipiga sa lakas paggawa ng mga manggagawang Pilipino kapalit ng kakarampot na sahod, gayundin ang mga kumpanyang nagsasamantala at sumisira sa likas na yaman ng ating bansa, at nagpapalayas sa mga magsasaka. Mistula tayong isinusubo ng rehimen sa mga buwayang gutom na gutom sa supertubo at kapangyarihan. Maliban pa sa mga anti-mamamayang epekto nito sa ekonomya’t kabuhayan, ginagamit rin itong paraan ng naghaharing pangkatin ni Marcos Jr na palawigin ang kapangyarihan nito upang mahigitan ang kanyang mga karibal sa pulitika, lalo na ngayong higit na lumalaki ang biyak sa noo’y “UniTeam” ng tambalang Marcos-Duterte at mga alipores nito. Habang nagbabangayan at nag-aagawan sa kapangyarihan ang mga kurap at ganid na opisyal ng pamahalaan, nananatili namang naghihirap ang karaniwang mamamayan.
Tunay na kailangan ng pagbabago ng masang Pilipino ngunit hindi ang Charter Change ang magdudulot ng pagbabagong ito. Kabaligtaran, lalo nitong ilulugmok sa kumunoy ng kahirapan ang sambayanang Pilipino kaya naman hindi dapat suportahan ng mamamayan ang anumang tipo ng Chacha—sa anyo man ng people’s initiative o iba pa. Dapat nilang isulong ang pambansa-demokratikong pakikibaka ng bayan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, at iba pang batayang demokratikong karapatan. Pagpalit-palitin man ng reaksyunaryong gubyerno ang paraan ng pagkontrol nito sa mamamayan, hangga’t nananatiling manipulado ng imperyalistang US at lokal na naghaharing uring panginoong maylupa—malaking burgesya komprador ang ating bayan, walang ganansyang makakamit ang masang anakpawis.
Sa pagtatagumpay lamang ng demokratikong rebolusyong bayan maibabagsak ng mamamayang Pilipino ang paghahari ng iilan at dayuhan. Hindi ang reaksyunaryong estado at ang mga hari-hariang amo nito kundi tanging ang sambayanang inaapi at pinagsasamantalahan ang mapagpasya sa pagkamit ng pag-unlad at kalayaan na matagal na nitong inaasam. Digmang bayan ang tunay na sagot sa kahirapan, hindi Cha-Cha!