Nanawagan noong huling linggo ng Enero ang Ontario Committee for Human Rights in the Philippines (OCHRP) na itigil ng gubyerno ng Canada ang pagsuporta nito sa kampanyang kontra-insurhensya sa Pilipinas.
Kabilang sa suporta nito ang pagbebenta ng di bababa sa walong helikopter, pagbibigay ng ayudang militar sa pamamagitan ng ASEAN na nagkakahalaga ng $13 bilyon, pagsasanay ng mga pasistang sundalo ng AFP sa Canda at pagbibigay ng teknolohiya para sa pagsasanay ng coast guard sa marine surveillance.
Kinontra rin nila ang pakana ng Canada na magbuo ng Visiting Forces Agreement sa Pilipinas para sa malayang paglabas-masok ng mga sundalong Canadian sa bansa, katulad ng nagagawa ngayon ng mga sundalong Amerikano. Anito, magiging direktang kaugnayan ng mga pwersang Canadian sa isang hukbong kilala sa madugong rekord ng paglabag sa karapatang-tao.
Binatikos ng grupo ang paggamit ng kampanyang kontra-insurhensya sa Pilipinas para bigyan-proteksyon ang mapangwasak na proyektong pagmimina, tulad ng ginawa sa Didipio, Nueva Ecija. Matatagpuan dito ang operasyon ng OceanaGold, isang kumpanyang Canadian, na tinututulan ng mga residente dahil sa pinsalang dala nito sa kanilang komunidad.
Sa pamamagitan ng pulis, dinemolis ang 100 kabahayan sa lugar at paulit-ulit na binuwag ang barikada ng mga residente, para bigyan-daan ang operasyon ng kumpanya.
Ang OCHRP ay isang organisasyong nakabase sa Canada na nakikiisa sa mga pakikibaka para sa kapayapaan at pambansang demokrasya sa Pilipinas.