Nagkaisa ang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor sa pangunahing governing body ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) laban sa panukalang charter change (Cha-cha) na itinutulak ng administrasyong Marcos Jr.
Sa pahayag ng tanggapan nina Student Regent Sofia Jan Trinidad, Faculty Regent Carl Marc Ramota at Staff Regent Marie Theresa Sidlacan-Alambra, sinabi ng tatlong opisyal ng UP na mabuway ang batayan para sa pagtutulak ng mga pagbabago sa pang-ekonomiyang mga probisyon ng Saligang Batas ng 1987.
“Walang batayang empirikal sa paniniwalang pauunlarin sa makabuluhang paraan ang (ekonomiya ng) Pilipinas ang pagbubukas sa dayuhang pamumuhunan nang walang malakas na makabayang tuntungan,” ayon sa kanilang pahayag, sa wikang Ingles.
Sinabi pa ng tatlong miyembro ng UP Board of Regents na taliwas sa sinasabi ng mga kongresista, makikita sa kasaysayan ng mayayamang mga bansa tulad ng South Korea, Taiwan at China na hindi mapagpasya ang dayuhang pamumuhunan sa pag-iindustriyalisa ng kanilang mga ekonomiya.
“Sa ngayon, umaabot sa 27 porsiyento ng GDP (gross domestic product) ng bansa’y mula sa foreign direct investment – mas malaki pa sa foreign investi=ments sa South Korea, China o Taiwan noong nagpapaunlad pa ang mga ito ng kanilang mga ekonomiya. Pero sa kabila nito, patuloy pa ring bagsak ang ekonomiya ng Pilipinas,” dagdag nila.
Lantad umano sa panukalang Cha-cha na may pampulitikang motibo rito ang mga kongresista at alyado ng Malakanyang: para palawigin ang termino ng Pangulo, Bise-Presidente at mga mambabatas.
“Mariin nating kinokondena ang makasariling pampulitikang adyenda na ito na direktong pakikinabangan ng mga nagtutulak ng Cha-cha, kabilang ang Presidente at mga alyado niya sa Kongreso. Dati nang tinututulan ng mga Pilipino ang nakaraang mga tangka na mag-Cha-cha dahil nangangahulugan mismo ito ng pagpapalawig ng termino ng mga halal na opisyal,” sabi sa pahayag.
Binatikos din nina Trinidad, Ramota at Sidlacan-Alambra ang umano’y mapanlinlang na pagpapapirma sa mga maralita para suportahan ang People’s Initiative kapalit ang pangakong ayuda.
“Tiyak tayong makikita ng mga mamamayan ang katotohanan sa likod ng kalokohang ito,” ayon pa sa tatlo.
Nanawagan sila sa mga miyembro ng komunidad ng UP na magkaisa para labanan ang Cha-cha ng administrasyong Marcos Jr. at sumama sa pagkilos laban dito sa Pebrero 25, anibersaryo ng pag-aalsang People Power.