Inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsisikap ng gobyerno na mabawi ang ill-gotten wealth ng kanyang pamilya bilang “propaganda” at “napatunayang hindi totoo.”
Ito ay hindi totoo.
PAHAYAG
Sa isang panayam noong Marso 4 sa pangulo sa programang 7:30 ng Australian Broadcasting Corporation, binanggit ng mamamahayag na si Sarah Ferguson na “kinikilala” ng mga korte ng Pilipinas hindi lamang ang mga kalupitan kundi pati na rin ang pandarambong at katiwalian na naganap sa panahon ng rehimen ng kanyang ama, ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos Sr.
Isang tawa na tila may-halong kaba ang pinakawalang tugon ng pangulo, na nag-udyok kay Ferguson na tanungin kung ano ang nakakatawa at kung ayaw niyang makitang ibinalik sa mamamayang Pilipino ang dinambong na pera. Sumagot si Marcos:
“Cases were filed against me, my family, the estate, etcetera, and up to now, we have, the assertions that were made, we have been shown to be untrue.”
(“Ang mga kaso ay isinampa laban sa akin, sa aking pamilya, sa estate, at iba pa, at hanggang ngayon, mayroon kami, ang mga assertion na ginawa, naipakita sa amin na hindi totoo.”)
Pinagmulan: ABC News In-depth YouTube Channel, Single ‘mistake’ could trigger South China Sea conflict, warns Philippines President | 7.30, Marso 4, 2024, panoorin mula 14:45 hanggang 14:57
Diniin ni Ferguson si Marcos, binanggit na kailangan pang mabawi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) ang “malaking halaga ng pera” mula sa kanyang pamilya. Dito, sinabi ng pangulo:
“I think that having seen the facts, as they have been slowly revealed, further true investigation, not propaganda, but actual true investigation, the court cases and investigations by all kinds of NGOs, different agencies, that has changed and people can see that it was propaganda.”
(“Sa palagay ko, sa nakita kong facts, habang dahan-dahang nabunyag, ang karagdagang tunay na pagsisiyasat, hindi ang propaganda, ngunit ang aktwal na pagsisiyasat, ang mga kaso sa korte at pagsisiyasat ng lahat ng uri ng NGO, iba’t ibang ahensya, iyan ay nagbago at nakikita ng mga tao iyon ay propaganda.“)
Pinagmulan: panoorin mula 15:40 hanggang 16:09
ANG KATOTOHANAN
Hindi bababa sa tatlong kaso sa Korte Suprema ang nagpapatunay sa pagkakaroon ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos, partikular ang $658-million Swiss bank deposits, ang $3.37-million asset ng shell company na pag-aari ni Marcos Sr., at $110,000 na halaga ng alahas na kilala bilang the Malacañang collection. Sa lahat ng tatlong kaso, iniutos ng SC ang pagbawi ng mga ari-arian na ito pabor sa gobyerno ng Pilipinas.
Tinukoy ng mga desisyon na ang mga asset at ari-arian na nakuha ni Marcos Sr. at dating unang ginang Imelda Marcos ay “hayag at maliwanag na hindi katumbas ng kanilang pinagsama-samang suweldo bilang mga pampublikong opisyal.”
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Narvacan Mayor Chavit Singson na ang $650M Marcos Swiss bank deposits ay ‘hindi nakaw’ MALI and VERA FILES FACT CHECK: Claims that Marcos cases and ill-gotten wealth are fiction are FALSE)
Inulit ng pangulo ang maling pahayag na ang pamilya Marcos ay umalis ng “walang” dala nang sila ay ipinatapon sa Hawaii kasunod ng pagpapatalsik sa kanyang ama noong 1986 People Power Revolution.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pahayag ni Marcos na ‘walang wala’ ang kanilang pamilya nang ipatapon at dumating sila sa Hawaii HINDI TOTOO )
BACKSTORY
Tatlong araw pagkaraang bumagsak si Marcos Sr., nilikha ng yumaong pangulong Corazon Aquino ang PCGG para bawiin ang lahat ng ill-gotten wealth na nakuha ng pinatalsik na pangulo, ng kanyang pamilya, kamag-anak, at mga krony sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Hanggang 2022, ang PCGG ay nakabawi na ng P265-billion ill-gotten wealth at naghahabol pa ng P125 bilyon pa.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
Supreme Court of the Philippines, G.R. No. 152154, July 15, 2003
Supreme Court of the Philippines, G.R. No. 189434, April 25, 2012
Supreme Court of the Philippines, G.R. No. 213027, Jan. 18, 2017
Official Gazette of the Philippines, Executive Order No. 1, s. 1986, Feb. 28, 1986
GMA News Online, PCGG: No new cases against the Marcoses expected over ill-gotten wealth, Aug. 24, 2022
Inquirer.net, PCGG paradox: Agency battles abolition calls, Aug. 25, 2022
PhilStar.com, House bill seeks PCGG abolition; functions transferred to DOJ, Sept. 12, 2022