Isang text ang kumakalat sa Facebook (FB) na nagsasabing tatanggalin ang GCash sa lahat ng app stores. Hindi ito totoo.
Noong Jan. 31, may mga FB user na nanghikayat ng mga netizen na i-cash-out ang kanilang pera sa GCash dahil sa anunsyong ito:
“GCash Announcement. Gcash is now officially removed on Playstore. From Co Ceo of GCash. Attention to all GCash app users the GCash app is down please cash out now your all balance in GCash app because in February 10 the GCash app is automatically removed in all app stores thank you.”
Hindi ito totoo. Pinasinungalingan ng GCash ang kumakalat na text at nilinaw na may GCash pa rin.
Ayon sa Facebook post ng GCash noong Jan. 31:
“Be warned of these posts circulating on social media. GCash services continue to be accessible. Rest assured that your funds are safe and secure.”
(Mag-ingat sa mga kumakalat na post sa social media. Patuloy na ma-a-access ang mga serbisyo ng GCash. Nakasisigurong ligtas ang pera ninyo.)
Nilinaw rin ng GCash na in-update nila ang mga feature ng app para sa mga Android user kaya pansamantalang nawala ang app sa Google Play Store. Pero naroon na ulit ito.
Pina-aalalahanan ng GCash ang publiko na na i-download ang app sa mga official source gaya ng Google Play Store, Apple App Store and Huawei App Gallery.
Binalaan na noon ng GCash ang mga netizen laban sa iba pang pekeng post at email na umiiikot sa internet.
Noong nakaraang buwan, pumirma ng kasunduan ang GCash at National Bureau of Investigation para magtulungan sa pag-iimbestiga ng mga manloloko sa internet.
Bukod sa mga post ng mga Facebook user, may 220 public posts ng Facebook pages at groups na may parehong sinasabi at may 3,890 interactions, ayon sa social media monitoring tool na CrowdTangle.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)