May text na kumakalat sa Facebook na nagsasabing ipinatupad muli ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang No Contact Apprehension Policy (NCAP). Hindi ito totoo. In effect pa rin ang temporary restraining order (TRO) sa NCAP na inilabas ng Supreme Court (SC).
Ang NCAP ay gumagamit ng mga CCTV at digicam para kuhanan ng mga video at picture ang mga lumalabag sa batas trapiko.
Sabi sa ipinakakalat na text:
“MMDA reminders: The NO CONTACT POLICY is now in full force. This means that no MMDA traffic enforcer will flag down any driver for any traffic violation on the road but instead, will monitor violations onscreen via the CCTV camera. Consequently, car registered owners will be informed of violations via post mail and shall be given only 5 days to contest the violations. If the MMDA office does not receive any contest after 10 days, MMDA shall effect a prescribed fine and shall indicate or show the fine during registration renewal.”
Nitong Feb. 14, may Facebook page ding nag-post ng graphic na may parehong text at may mga logo ng MMDA at National Capital Region Police Office.
Hindi rin ito totoo. Nakahinto pa rin ang pag-implement sa NCAP matapos ilabas ng SC ang TRO noong Aug. 30, 2022. Ipinagbabawal ng SC ang panghuhuli gamit ang NCAP bilang tugon sa mga petisyong humahamon sa legalidad nito. Noong 2023, nagkaroon ng oral arguments sa SC tungkol sa legalidad ng NCAP pero hindi pa rin nareresolba ang isyu.
Nito ring Feb. 14, sinabi ng MMDA na peke ang kumakalat na text. Binalaan nito ang mga netizen laban sa mga hindi kumpirmadong impormasyon sa internet. Sabi nila:
“Ang post at mensaheng kumakalat sa social media ukol sa pagpapatupad muli ng No Contact Apprehension Policy ay PEKE at hindi nanggaling sa MMDA. Nananatiling suspendido ang operasyon ng NCAP mula pa noong 2022 bunsod na rin ng pagpapalabas ng temporary restraining order ng Supreme Court.”
Hinikayat din ng MMDA ang publiko na tawagan ang Hotline 136 nila o sundan ang kanilang official social media accounts para sa mga katanungan.
Unang ipinakalat sa internet ang pekeng text noong 2022, na pinasinungalingan din ng MMDA.
Ang pekeng impormasyon ay ipinakalat ulit ilang araw pagkatapos ihinto ng MMDA ang number coding sa Metro Manila nitong Feb. 9 para sa Chinese New Year.
Maraming Facebook user, gaya ng page na PCADG Metro Manila (ginawa noong Oct. 30, 2020 bilang Friends of PCADG) at group gaya ng VIOS NATION (Feb. 21, 2015) ang nagpakalat ng pekeng text.
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
(Editor’s Note: Nakikipagtulungan ang VERA Files sa Facebook para labanan ang pagkalat ng maling impormasyon. Alamin ang iba pang tungkol sa partnership na ito at ang pamamaraan namin.)