Sa loob ng wala pang dalawang buwan, itinanggi ni dating pangulong Rodrigo Duterte na inilarawan niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang isang “drug addict” at sinabing siya ang unang tumawag sa chief executive ng ganyan.
PAHAYAG
Sa isang press conference noong Abril 11 sa Tagum City, tinanong ni dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict spokesperson Lorraine Badoy si Duterte kung sa palagay niya ay “nasa tamang pag-iisip pa rin si Marcos,” na tumutukoy sa paninindigan ng pangulo sa agresyon ng China sa West Philippine Sea at sa “pagbabalewala sa panawagan” sa kanya na magpa-drug test.
Sumagot si Duterte:
“Alam mo ma’am, ako na ang unang nagsabi na drug addict siya. Hindi naman ako nag-iimbento ng istorya. Pero ‘yang mga PDEA [Philippine Drug Enforcement Agency] report nila na sinasabi nila na hindi totoo, natural ‘yan ma’am kasi panahon ni Marcos. Anong agency in government can go head-to-head with the president sa bagay na ‘yan? So sinu-suppress ‘yan.”
(“Alam mo ma’am, ako na ang unang nagsabi na drug addict siya. Hindi naman ako nag-iimbento ng istorya. Pero ‘yang mga PDEA [Philippine Drug Enforcement Agency] report nila na sinasabi nila na hindi totoo, natural ‘yan ma’am kasi panahon ni Marcos. Anong ahensya ng gobyerno ang puwedeng makipag-untugan sa pangulo sa bagay na ‘yan? Kaya sinu-suppress ‘yan.”)
Pinagmulan: Sonshine Media Network, FPRRRD kay PBBM: Marami kang ginagawa na hindi tama!, Abril 12, 2024, panoorin mula 2:06 hanggang 2:47
ANG KATOTOHANAN
Ito ang ganap na kabaligtaran ng pahayag ni Duterte noong Pebrero nang sabihin niyang hindi niya tinawag na “drug addict” si Marcos, na nagpapaliwanag na maaaring ang tinutukoy niya ay ang paggamit ng pangulo ng mga inireresetang gamot, tulad ng mga antibiotic o painkiller.
Sinabi niya:
“Wala akong sinabi na gano’n. […] Even if you kill me a thousand times, wala akong sinabi. Make it, taking a drug. Pero kung sabihin mong ‘adik,’ wala akong sinabi na gano’n. Patayin ako ni Marcos n’yan.”
(“Wala akong sinabi na gano’n. […] Kahit na patayín mo ako ng ilang libong beses, wala akong sinabi. Gawin mo, umiinom ng gamot. Pero kung sabihin mong ‘adik,’ wala akong sinabi na gano’n. Patayin ako ni Marcos n’yan.”)
Pinagmulan: News5Everywhere, LIVE | Press conference ni dating pangulong Rodrigo Duterte #News5 (February 27, 2024), Peb. 27, 2024, panoorin mula 1:00:03 hanggang 1:00:28
Ito ang pangalawang beses na tinawag ni Duterte si Marcos na “drug addict.” Noong Nobyembre 2021, ilang buwan bago ang kampanya para sa pambansang halalan sa 2022, sinabi ni Duterte na gumagamit ng cocaine ang isang kandidato sa pagkapangulo, ngunit wala siyang binanggit na pangalan.
(Basahin ang VERA FILES FACT CHECK: Pagtawag ni Rodrigo Duterte kay Pangulong Marcos na ‘drug addict’ nangangailangan ng konteksto at VERA FILES FACT CHECK: Duterte bumaligtad sa pagtawag kay Marcos na ‘drug addict’)
May nakita ka bang kaduda-dudang status, picture, meme, o iba pang post na gusto mong i-fact-check namin? Sagutan lang itong reader request form o i-message sa Viber ang VERA, the truth bot (Philippines).
Mga Pinagmulan
News5Everywhere, LIVE | Press conference ni dating pangulong Rodrigo Duterte #News5 (February 27, 2024), Feb. 27, 2024
RTVMalacañang, Joint NTF-RTF ELCAC IV-B Meeting in Oriental Mindoro 11/18/2021, Nov. 18, 2021