Akademya – Pinoy Weekly


Pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensiyon—tatlong pangunahing gawain ng isang guro. Mabigat na responsibilidad sa gitna ng mataas na inaasahan. Maraming ginagampanan kahit ramdam ang kapaguran. Ano na nga ang ibig sabihin ng “Prof.”? Professionally exhausted?

Magtuturo sa mga estudyante sa umaga, makikipagpulong sa iba’t ibang tao sa hapon, magsusulat sa gabi. Sadyang kulang ang 24 oras para matapos ang mga dapat matapos. Hindi tulad ng trabaho mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, dala-dala ng guro ang sanlaksang gawain sa labas ng klasrum. Nagsisilbi na ring “opisina” ang munting bahay dahil sa mga nakakalat na papel at libro. Kung tambak talaga ang gawain, posibleng kinakain na rin ang Sabado’t Linggo ng kawawang guro.

May oras pa ba para sa pamilya? Kaya pa bang gampanan ang ilang gawaing bahay? Posible pa bang maglibang kasama ang mga kaibigan? Sana naman kahit tila bihira na lang. Kailangang alagaan ang sarili lalo na’t inaasahan siya ng marami.

Gaano ba kahirap magturo ngayon? Hindi lang isa kundi maraming kurso ang tinuturo bawat semestre. Ang normal na teaching load sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, halimbawa, ay 12 yunit o apat na kurso bawat semestre. Sa ibang pamantasan, minsa’y umaabot sa doble o triple ang mga hinahawakang kurso ng guro. Sa sitwasyong masyadong maraming estudyante’t kakaunti lang ang mga guro, posibleng mahigit 50 ang nagsisiksikan sa isang maliit na klasrum na walang air con. 

Matapos ang mahabang oras na pagtuturo, kapansin-pansin ang gurong may boses na paos at katawang tila kandilang nauupos. Pero hindi pa tapos ang araw dahil kailangang rebyuhin at bigyan ng grado ang mga ipinasang takdang aralin. At huwag kalimutang kailangan pa niyang maghanda para sa mga susunod na klase.

Mataas na edukasyon at reputasyon ang puhunan pero araw-araw na kalbaryo ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan. Hindi ito pagrereklamo kahit na parang ito ang tono’t estilo. Ito’y simpleng paalala na mataas ang inaasahan sa gurong dapat na ginagawa ang lahat para mahubog hindi lang ang kaisipan ng kabataan kundi ng buong lipunan.

Bukod sa pagtuturo, nariyan din ang pangangailangang makapaglimbag ng mga artikulo sa mga dyornal na pang-akademiko. Bilang produkto ng orihinal at malalimang pananaliksik, ang mga artikulong ito ay batayan ng tenure at promosyon kaya kailangang magparami. Pangunahing sinusuri kasi ang listahan ng mga publikasyon.

Pero hindi ganoon kadaling makapaglimbag lalo na sa mga dyornal na internasyonal at mahigpit ang ebalwasyon ng kalidad ng mga isinumiteng manuskrito. Kung gaano kataas ang reputasyon ng dyornal ay ganoon din kataas ang rejection rate nito.

Inaasahan tuloy ang gurong makapagsumite ng mga manuskrito sa iba’t ibang dyornal para mas mataas ang tsansang matanggap ang kahit isang manuskrito at magkakaroon siya ng tinatawag na refereed publication. Kumbaga sa popular na patalastas, “the more entries, the more chances of winning!” Ganyan talaga ang karera sa paramihan ng publikasyon sa akademya!

Paano naman ang gawaing ekstensiyon? Kahit na hindi ito masyadong nabibigyang atensiyon kumpara sa pagtuturo’t pananaliksik, kailangan ding magbigay ang guro ng katibayang may serbisyo siya sa unibersidad, komunidad o maging sa bayan. Nariyan ang mga gawain sa komite ng departamento, kolehiyo at pamantasan. Nariyan ang pagbibigay ng mga panayam at palihan, pati na ang iba pang gawain tulad ng pagiging hurado o tagapayo.

Sa kanyang pagtanda sa akademya, posibleng kikilalanin siyang “eksperto” sa piniling disiplina at mas lalong mapapadalas ang mga imbitasyong magserbisyo sa anumang kapasidad. Tulad ng pagtuturo’t pananaliksik, darating ang panahong kakain din ito ng maraming oras sa buhay ng isang guro.

Mataas na edukasyon at reputasyon ang puhunan pero araw-araw na kalbaryo ang nakaraan, kasalukuyan at kinabukasan. Hindi ito pagrereklamo kahit na parang ito ang tono’t estilo. Ito’y simpleng paalala na mataas ang inaasahan sa gurong dapat na ginagawa ang lahat para mahubog hindi lang ang kaisipan ng kabataan kundi ng buong lipunan.

Pero sa kabilang banda, kailangan ding singilin ang gobyerno sa limitadong suporta.

Nakapagtatakang halos P1 trilyon ang badyet sa edukasyon pero hindi pa rin napupunuan ang kakulangan sa klasrum, pati na ang pagpapataas sa suweldo ng mga guro. Paano aasahan ang gurong mapabuti ang kanyang pagtuturo kung hindi kaaya-aya ang sitwasyon sa mala-pugong init ng klasrum dahil sa nagsisiksikang mga estudyante?

Kanya-kanya pa rin ang guro sa pagkuha ng pondo para sa pananaliksik dahil sa limitasyon ng mga grant na galing sa gobyerno. Paano aasahan ang gurong makapaglimbag ng mga importanteng pananaliksik na mapapataas ang antas ng diskurso?

Kahit na may ginagawang libreng serbisyo sa unibersidad, komunidad at lipunan, mas mainam na kinikilala pa rin ng gobyerno ang ganitong gawain sa pamamagitan ng dagdag na allowance. Paano aasahan ang gurong ipagpatuloy ang mga ito kung minsa’y abonado pa siya?

Tunay na maraming inaasahan sa isang guro. Pero napakaraming dapat gawin ang mga nasa kapangyarihan para mabawasan, kundi man tuluyang matanggal, ang paghihirap sa pagtuturo, pananaliksik at gawaing ekstensyon.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!