Delubyo – IBON Foundation



Inianunsyo ng palasyo ang pagdating ng bagyo
Iginuhit ng pirma ang direksyon nito.
Namuo ang panganib sa malayong dako
Tone-tonelada at sako-sako.

Pagkataas-taas ang alon ng bigas!
Natatanaw ito sa gitna ng dagat.
Lulan ng barkong ataul ang anyo
Pangitaing angkat sa pamilihang dayo.

Bukas na tarangkahan ang dalampasigan
Umakyat ang daluyong sa mga pantalan
Umagos ang baha sa sementadong daan
Bumuhos ang butil sa mga pamilihan.

Inanod ng daluyong ang patag na bukirin
Ginapang ng delubyo, mga burol at bukid
Nilunod ang sakahang gintua't malusog
Lahat niragasa ng malupit na agos.

Ang bagyong dayuhan may hatid na sakit
Uod sa punla, peste sa mithi
Amag sa magkabilang pisngi ng pilapil
Bukbok sa kabuhayan at pinagpagurang ani.

Namumuo rin ang bagyo sa bukid
Mula sa kayumangging binti at bisig
Sa mga sakahan ngayo'y nagtatanim
Ng punla ng paglaya ang magbubukid.

#StandWithFarmers
#JunkRiceLiberalizationLaw
#JunkRiceTarifficationLaw
#PresyoNgPalayItaas 
#PresyoNgBigasIbaba







Ninia Dela Cruz

is a writer for the IBON Partnership in Education for Development (IPED).







Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!