Nagpiket ang Unyon ng Manggagawa sa Harbour Centre noong Hunyo 18 sa harap ng upisina ng National Labor Relations Commission sa Quezon City kasabay ng muling pagbubukas ng kanilang kaso kaugnay ng iligal na tanggalan sa Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) noong 2020. Higit 370 manggagawa na tinanggal ng kumpanya ang hindi pa rin ibinabalik kahit iniatas na ito ng Korte Suprema noong Setyembre 2021.
Tinanggal ng HCPTI, pag-aari ng mga Romero, ang mga manggagawa noong 2020 sa pagdadahilang tapos na ang kontrata ng kumpanya sa labor agency na Grasials Corporation. Simula noon, ipinaglaban ng mga manggagawa ang kanilang karapatan at iginiit ang kanilang pagbalik sa trabaho.
Idinulog nila ang kanilang kaso sa Department of Labor and Employment hanggang Korte Suprema. Liban sa pagbabalik sa trabaho, ipinanawagan din ng unyon ang pagbibigay ng back pay o sahod mula sa panahong tinanggal sila.
Noong Nobyembre 2022, nakapagtayo ng kampuhan ang mga manggagawang tinanggal sa Road 10, Manila City para ipaglaban ang kanilang karapatan na maibalik sa trabaho. Marahas na binuwag ng mga maton at tauhan ng HCPTI ang kampuhan.