Protesta para igiit ang pagbasura ng SIM Registration Law, isinagawa –


Kinalampag ng mga digital rights advocates sa pangunguna ng Junk Sim Registration Network (JSRN) ang National Telecommunications Commission (NTC) hinggil sa palpak at depektibong batas na Republic Act No. 11934 o ang SIM Registration Act.

Ayon sa mga JSRN, walang silbi ang naturang batas sa kabila ng patuloy na mga scam messages na natatanggap sa SIM ng mga nagparehistro, mapa-prepaid o postpaid.

Batay sa ulat ng NTC ay umabot na sa 700,000 na mga SIM ang rehistrado sa bansa.

Kinundena rin ng network ang mga nasamsam na rehistradong SIM cards na ginagamit sa scam sa mga raid operations sa Philippine offshore gaming operators (POGO).

Dagdag pa ang panganib na dulot ng mga data leaks bunsod ng pagbubuo ng mga malalaking database na siyang tuntungan sa mga cyberattacks. Ayon kay Jenna Rodriguez, tagapagsalita ng JSRN ay malaking panganib ang nasabing batas sa ating pribadong impormasyon at pambansang seguridad.

“Ang main goal pa naman ng sim registration ay maprotektahan tayo sa mga illegal activities—pero until now prone pa rin tayo sa mga scams kahit na registered na ‘yung mga sim natin,” saad naman ni Sofia Lou Magtalas, isang kabataang estudyante.

Tulad ni Sofia, maituturing din ni Kimberly Salonga na “useless” ang naturang batas.

“Mas lumala lang din ‘yung scam texts and ‘yung spams nun kase mas dumami ‘yung mga na-rereceive ko na texts as well as ‘yung family ko,“ ani Salonga.

Malimit din ang mga spam messages sa tipong panloloko tampok ang umanong pagkapanalo sa mga raffle at iba pang naratibo.

“Sa experience ko kasi araw-araw or kada certain time of the day ay may nag-papop up na messages na nanalo ako sa ganitong bagay, i-click ko ‘yung link dahil may mapapanalunan ako, at iba pang bagay,” saad naman ni Trisha Naluz.

Binigyang diin ng JSRN na hindi sa implementasyon kundi ang naturang batas ay isang maling hakbang at solusyon na magpapadali lamang para sa mga scammer para makakuha ng mga sensitibong impormasyon.

Dagdag pa ng network na dapat tutukan ng administrasyong Marcos Jr. ang pagpapalakas ng mga hakbang para sa data privacy. Patuloy rin ang panawagan nila para sa agarang pagpapawalang-bisa ng SIM Registration Law kasabay ng pagkakaroon ng masusing imbestigasyon hinggil sa itinuturing na palpak na implementasyon ng naturang batas.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!