Iginagawad ang pinakamataas na pagdakila at pagpupugay sa ating huwarang Kadre ng Partido, Kadre Militar ng BHB at Rebolusyonaryong Ina, Martir at Bayani ng rebolusyon at sambayanan na si Ka Marian Castro!
Mas kilala siya ng mga masang kanyang pinaglingkuran sa Bataan at kapatagan ng Gitnang Luzon bilang si Ka Ley at Ka Rowen, Jaime, Lunti, Andrei at Lucing sa Nueva Ecija. Nag-iiba-iba man ng gamit na pangalan sa pakikibaka ay tumatak sa isip at puso ng bawat masa at mga kasama ang kaniyang kasigasigan, katatagan at mayamang karanasan sa dalawang dekadang buhay-at-kamatayang pakikibaka.
Isa si Ka Lunti sa sampung magigiting at mga dakilang pulang mandirigma at kadre ng Partido na walang pag-aalinlangang hinarap ang berdugong kaaway hanggang maglaan ng pinakamataas na pagsasakripisyo ng pagbubuwis ng buhay. Napaslang siya sa isang madugong engkwentro sa Barangay Malbang, Pantabangan, Nueva Ecija nuong ika-26 ng Hunyo gamit ng kolonyal na AFP/PNP ang armas at teknolohiya ng Estados Unidos na ang mga sundalong Kano ay may kampo sa loob ng kalapit na Fort Magsaysay, may presensya sa APECO at mag-iisang buwang nakadaong barko sa Baler.
Nagmula siya sa uring maralitang magsasaka sa Arayat, Pampanga. Nagsimula ang pagkakamulat ni Ka Lunti sa lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal sa isang progresibong programang pambata. Dahil sa sikap at talino ay nakatuntong ng Kolehiyo sa kursong Engineering. Nagsimula siyang maorganisa sa isang programa sa unang taon ng kanyang kolehiyo hanggang sa nagpasya siyang makipamuhay sa yunit ng BHB at magsasaka sa Bataan nuong taong 2003. ‘Di maglalaon ay magpapasyang maging buong panahong kasapi ng BHB. Naging malaking bentahe ni Ka Lunti ang kaniyang pagiging Capampangan upang maging epektibo ang pagpapatupad ng mga gawain sa baryo, kampanyang masa, pulong masa at mga pag-aaral sa gitnang kapatagan ng Gitnang Luzon. Taong 2006 hanggang 2007, itinalaga na staff ng sentro ng rehiyon, bagamat baguhan ay sinikap din niyang gumampan sa abot ng kaya na hindi umaatras.
Likas na tahimik, simple at pinong kumilos si Ka Lunti. Malambing na kasama at mahusay kumanta at maggitara. Ang iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantalang nagpapahirap sa magsasaka ay nagbigay sa kanya ng determinasyon upang yakapin ang armadong pakikibaka. Nasaksihan niya ang mainit na pagtanggap ng masa at kahandaang maorganisa, lumaban at kumilos. Dito na siya naging kasapi ng Partido at kalaunan ay naging giyang pampulitika. Makalipas ang dalawang taong paghubog sa sarili at pagbuo ng karanasan sa Bagong Hukbong Bayan ay malilipat siya sa yunit ng Hukbo sa Aurora taong 2005. Ilang taon lamang ay tatangan ng gawain bilang Platun S4, PG at PI.
Sa taong 2009, bilang kagawad ng Komite ng Larangang Gerilya ay hindi matatawaran ang kanyang mga naging ambag sa muling pagtapak ng Bagong Hukbong Bayan sa kabundukan ng Caraballo, East Pangasinan at ekspansyon sa Nueva Vizcaya. Tangan ang panawagan ng Partido para sa malawak at masinsin na pakikidigmang gerilya na nagtatamasa ng lumalawak at lumalalim na baseng masa ay sumabak si Ka Lunti bilang isa sa mga pangunahing pamoste sa loob ng platun at gawain sa pagbubuo ng larangang gerilya.
Saksi ang kabundukan ng Caraballo sa pag-iisang dibdib sa Partido ni Ka Lunti at ng kaniyang butihing kabiyak at kasama na si Harold “Ka Luzon” Meñosa, kapwa martir at bayaning napaslang ng berdugong militar sa laban sa Pantabangan. Naging matatag na simula ito ng kanilang pagtataguyod ng rebolusyonaryong pamilya. Tangan ang kanilang di-magagaping diwa, kapit-bisig nilang binagtas ang mga panibagong hamon at tungkulin.
Si Ka Lunti ay naging kagawad ng Komite ng Partido sa larangang gerilya at Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU), at itinalaga siya bilang PI at Kalihim ng Sangay ng Partido sa Platun (SPP) nuong 2013 hanggang 2016. Nasabak ang kasama sa paggampan sa gawain sa loob ng Platun at gawain sa pagbubuo ng larangan gerilya. Pinangunahan niya ang pamumuno sa Platun sa buong gawain nito sa hanay ng masa habang nakikipag-patintero sa kaaway. Lagi’t lagi na kailangang harapin at pakitunguhan ang sustinidong tugis-operasyon ng pasistang militar habang nagpapalawak ng baseng masa. Kinailangan na pataasin ang mobilidad ng yunit, mabilis na kabisaduhin ang tereyn at masa sa bundok, laylayan at kapatagan kaya kaakibat ito ng ibayong kahirapan at gutom. Sa pangunguna ni Ka Lunti ay hinarap ang lahat ng ito sa pamamagitan ng ibayong konsolidasyon sa Ideolohiya, Pulitika at Organisasyon sa hanay ng ating Hukbo at mga masa at pwersa sa kabundukan at laylayan ng Sierra Madre. Sa ganito ay tumaas ang kakayahan ng lahat na harapin ng buong tapang ang mga tigreng papel na kaaway.
Ang lahat ng ito ay isang natural at realidad sa pagsusulong ng Digmang Bayan. Pero ni minsan di nagsabi si Ka Lunti na iwan ang rebolusyon, kahit na nang magsilang muli sya sa ikalawa nyang anak. Mahirap man sa kalooban at pangungulila sa kanyang mga anak ay muling agad bumalik at tumangan sa tungkulin ang Kasama. Mahigit isang taon na matatalaga si Ka Lunti sa gawaing sa Kapatagan ng Nueva Ecija nuong 2017 hanggang 2018. Bagamat pangkalahatan ang kanyang kaalaman sa katangian ng gawain at moda ng pagkilos dito, taos puso nyang tinanggap ang tungkulin pangunahan ang gawain. Sinikap nyang mabilis na pag-aralan ang kalagayan ng masa, anyo ng pagsasamantala sa lugar, antas ng organisasyong masa at rebolusyonaryong kasaysayan.
Muling babalik ang Kasama sa ripleng pormasyon ng huling kwarto ng taong 2018. Kasama ang kanyang kabiyak na si Ka Luzon, sa gabay ng Partido at mahigpit na tangan sa prinsipyo, ay sumuong si Ka Lunti sa mga kahirapan, suliranin at pag-alalay sa dinadalang krisis sa pagkilos ng kanyang asawa. Ngunit sabi nga ni Ka Lunti, “Ngayon pa ba ako bibitiw? Ngayon pa ba ako aatras? Kahit napakahirap ng sitwasyon, sobrang gutom at sakripisyo hindi ako tatalikod sa Partido at Hukbo laluna sa masa na pinatunayan lagi’t lagi ang mainit na pagtanggap at pagtaguyod nila kahit ilang ulit silang takutin at sindakin ng pasistang AFP.”
Naiibsan ni Ka Lunti ang kanyang pananabik at pangungulila sa mga anak at pamilya sa pamamagitan ng tuwinang integrasyon at pag-oorganisa sa hanay ng masa. Natural na malambing at magiliw si Ka Lunti, kaya naman madaling makapalagayan ng loob ang mga nanay, tatay at mga bata.
Higit sa lahat ang pagiging ulirang ina niya ay ang paglalaan ng kaniyang kabataan, husay, talino, kasanayan at buhay sa pagrerebolusyon na magtitiyak ng demokratiko, makatarungan, masagana, malaya at lipunang walang pagsasamantala na ipapamana sa pinakamamahal na mga anak. Ito ang matatag niyang paninindigan bilang Rebolusyonaryong Ina.
Pinakamataas na pagpupugay, pagdakila at pagsaludo kay Ka Lunti! Hinding-hindi ka malilimot ng sambayanan at rebolusyonaryong kasaysayn!
PULANG SALUDO SA MGA MARTIR AT BAYANI NA PANTABANGAN 10!
Mabuhay ang CPP/NPA/NDFP!
Mabuhay ang Sambayanan!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!