PRWC » Pinakamataas na pagpupugay Marian “Ka Lunti” Castro!


 

Para Sa Mga Minamahal na Anak, Magulang, mga Kapatid at Kaibigan ni Ka Lunti:

Ipinapaabot ng buong kasapian ng PKP at Josepino Corpuz Command BHB-GL ang pinakamataas na pagdakila sa walang kamatayang ambag sa rebolusyonaryong pagsulong sa Gitnang Luzon ni Marian “Ka Lunti/Trining” Castro. Gaya ninyo’y labis-labis ang pagdadalamhati ng mga kasama at lahat ng masang taos-pusong pinag-alayan ng kanyang natatanging buhay. Walang pagsidlan ang galit na aming nararamdaman sa brutal pagpaslang ng AFP kay Ka Lunti at sa 9 pang kasamang nasawi sa depensibang labanan sa Pantabangan noong Hunyo 26, 2024.

Maikling pagbabahagi ng buhay-hukbo ni Ka Lunti:

Napanday bilang isang mahusay na babaeng mandirigma at pulang kumandera si Ka Lunti sa gitna pinakamalupit na teroristang aksyon ng apat na magkakasunod na rehimen mula kay Arroyo hanggang sa kasalukuyang panunumbalik ng rehimeng Marcos Jr. Pinanday at pinatibay ng karahasan at mayamang karanasan ang kanyang paninindigan sa kawastuhan ng armadong pakikibaka. Sa loob na ng yunit ng hukbo sya inabutan ng pagdiriwang ng ika-18 taong kaarawan, habang nakikipamuhay. Pagtuntong sa hustong gulang, walang pag-aalinlangan syang nagpasyang magpultaym bilang isang pulang mandirigma sa isang unit ng platun gerilya sa Bataan. “Akala ko noong sibilyan ako, kami na ang pinakadukha dahil kahit lapis hindi ako mabilhan ng nanay ko. Pero noong mapunta ako sa larangang gerilya at nakadaop ang mga katutubo, hindi pala, mas marami pala ang namamatay sa katatrabaho pero halos walang makain,” madalas nyang ibahagi sa mga kasama kung paano nya nabuo ang kapasyahang magpultaym.

Wala pa mang isang taon sa hukbo ay nakaranas na sya ng mga depensibang labanan kung saan may mga kasamang namartir. Ngunit sa halip na matakot at umatras, nagpatuloy sya’t mahigpit na tinanganan ang armas ng mga kasamang nabuwal. Bahagi sya sa inabot na rurok ng pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa GL. Nasaksihan niya maging ang mga paghina dulot ng mga internal na kahinaan. Gayunman, di matatawaran ang bahagi niya sa mga muling pagbangon at pagsulong. Kung tutuusin, siya na lang ang natitirang pultaym na hukbo mula sa yunit ng Bataan kung saan sya sumampa. Pero matatag syang nanindigan at hinarap ang bawat hamon, buong optimistikong bumahagi sa muling pagpapalakas ng armadong pakikibaka.

Madalas siyang pagkamalang anak mayaman dahil sa kanyang makinis at maputing kutis at makikinang na bilugang mata. Pero ang totoo, bata pa lamang ay danas na niya ang kahirapan lalo na’t maaga syang naulila sa kanyang mahal na ama. Mag isa silang itinaguyod ng kanyang ina na pagsasaka ang tanging ikinabubuhay. Gaya ng maraming pamilyang Pilipino, nabubuhay sila na ang bawat pagkaing ihahain sa mesa ay pinagpapawisan. Walang kakainin kung hindi sila magtitiyagang mag-iina na mamingwit ng tilapia o di kaya’y mangalap ng anumang klase ng talbos at pakó sa probinsya ng Pampanga. Kaya naman hindi na kataka-takang mabilis syang nakaangkop sa hirap ng buhay-hukbo. Ang kahirapan din ang naging tulay sa kanyang pagkamulat at pagkaka organisa sa kolektiba ng mga bata at Liga ng mga Kabataang Komunista o Young Communist League (YCL) sa edad na labinlimang taong gulang. Sa murang edad, naging bahagi na sya ng pagtataguyod ng karapatang pantao lalo na kapakanan ng kapwa nya mga bata. Pilit nyang pinangibabawan ang pagiging mahiyain, at masigla siyang lumahok sa mga pagkilos at mga kulturang pagtatanghal na bumabatikos sa pasismo ng estado.

Mahusay na mandirigma at mahigpit na tumatangan sa mga oryentasyon at mga atas. Bagamat maraming pagkakataon na duda siya sa kanyang kakayanan, wala siyang tinanggihang gawain kahit ang mga bagay na hindi niya gamay. Madalas pa nga siyang taga salo ng mga responsibilidad na tinatanggihan ng mga kasamang nagdadalawang loob. Mabigat man ang responsibilidad na kung minsa’y umaabot pa sa triple tasking, masaya, magaan at ubos kaya niya itong ginagampanan sa araw-araw.

Isa na si Ka Lunti sa masasabing haligi ng Yunit ng Sierra Madre. Sa mahabang panahon, tumayo syang kalihim ng Sangay ng Partido sa Platun (SPP) at kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Larangang Gerilya (KT-KLG). Bilang Pampulitikang Instruktor (PI), matyaga siyang naglilinaw sa mga kasama ng mga batayang prinsipyo, pormal o impormal mang mga talakayan. Matatag siyang nakikitunggali sa mga maling kaisipan at tendensya ng uring pinagmulan ng bawat kasama, kabilang na ang kanyang sarili. Tapat sa pagpapanibagong-hubog, walang pag-aatubili niyang ginuguhitan ang sariling mga kalakasan at kahinaan. Taimtim na pinag-aaralan ang mga puna at mungkahi ng mga kasama at nagsisikap na makapangibabaw at magwasto sa bawat panahon. Hindi siya nangingiming akuin anuman ang kanyang naging pagkukulang.

Maalalahanin at masayahing kasama si Ka Lunti. Kahit abala sa maraming gawain, sinisikap niyang magdagdag sakripisyo sa panahon na kinakailangang ipaglaba at ipagpatuyo ng damit ang mga kasamang pagod sa malayong hakutan o magpakulo ng inuming tubig ng mga kasama. Singkinang ng maputi niyang balat at makikinang na bilugang mata sa gitna ng kadiliman ang hatid niyang positibong enerhiya lalo na sa panahon ng maniobrahan at kahirapan ng yunit. Kahit anong pait ng ligaw na ampalaya o ubod ng yantok ay nagagawa niya itong masarap sa panlasa ng mga kasama dahil sa kanyang “lutong may pagmamahal.” Patok na patok sa mga kasama ang kanyang mga lutong meryenda lalo na sa mga espesyal na araw gaya ng anibersaryo. Mapamaraan, kahit sa panahon na salat sa maraming bagay ang yunit na umaabot sa walang bigas o asin man lang ay lagi siyang nakakaisip ng paraan paano itatagpos ng yunit ang kakulangan sa suplay. Ang kakaunti ay nagagawa niyang pagkasyahin sa buong hukbo. Kahit na madalas siyang hapó dahil sa kaniyang diabetes at hirap na hirap maglakad sa mobayl, sinisikap pa rin niyang bumahagi sa pagdadala ng suplay at iba pang gamit ng yunit. Mataas ang pagpapahalaga niya sa mga datos ng Partido at seguridad ng mga masa, kaya matiyaga niyang dinadala kahit saan magpunta ang kanyang mga gadgets kahit halos masakal na sya sa pagdadala ng kanyang mabigat na belt bag.

Nakilala at minahal siya ng mga masa at kasama bilang Ka Andrei, Ka Tuesday, Ka Sun, Ka B at Ka Trining. Iwinagayway niya ang bandila ng kababaihang hukbo’t rebolusyonaryo. Ipinamalas niya ang tunay na pagsasapraktika ng isang “rebolusyonaryong bagong kababaihan” na naninindigan sa bawat hamon ng pakikibaka, kahirapan, sakripisyo, ultimo kamatayan. Bilang isang rebolusyonaryong ina, binata niya ang sakit ng pagkakawalay sa dalawang pinakamamahal na supling alang-alang sa kinabukasan ng milyon-milyong kabataang Pilipino na isinadlak sa kahirapan ng bulok na estado. Matatag siyang nanindigan at nanatili sa ripleng pormasyon kahit noong panahon na dumaan sa krisis sa paninindigan ang kaniyang mahal na asawa. Sa loob ng hukbo, higit niyang napagyaman at napaghusay ang kaniyang mga kakayanan bilang isang babae. Pinatunayan niya na ang lakas ng kababaihan sa paglahok sa pagrerebolusyon at paghawak ng sandata ay hindi masusukat sa pisikal na lakas, kundi sa tibay ng paninindigan, at kahandaan sa pagtangan sa hamon at responsibilidad. Siya ang tumatayong Iskwad Lider ng isang pormasyon sa labanan kung saan siya nasawi.

Kulang na kulang ang mga pahinang ito para pagpugayan ang dalawang dekadang dakilang buhay na inialay ni Ka Lunti para sa sambayanang Pilipinong inaapi’t pinagsasamantalahan. Nabuwal man si Ka Lunti, hinding hindi mabubura sa kasaysayan at bawat himaymay ng kamalayan ng mga masang kanyang taos-pusong pinaglingkuran ang kaniyang dakilang ambag sa pagsusulong ng rebolusyon. Araw-araw natin siyang dadakilain sa pamamagitan ng ubos-kayang paggampan sa mga naiwan niyang gawain hanggang makamit natin ang tagumpay!

Pulang Saludo Kay Marian “Ka Lunti” Castro at sa 9 pang martir ng Pantabangan! Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan. Ang kabayanihan nila’y walang kamatayan.

Pulang Saludo sa mga Bayani ng Bayan!



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!