SIM Reg Act, palpak sa pagsugpo sa text scams – Pinoy Weekly


Halos isang taon matapos ang deadline ng SIM registration, marami pa rin ang patuloy na nakatatanggap at nabibiktima ng mga text scam.

Ayon sa sarbey ng Computer Professionals’ Union (CPU), 94.6% ang regular na nakatatanggap rin ng text scam at 29.8% ang naging biktima ng mga scam gaya ng phishing at pagnanakaw ng personal na impormasyon o pera. Ang ilan pa, nakakakuha ng virus sa kanilang mga device dahil sa mga scam.

“Habang ipinipinta ni [Ferdinand] Marcos Jr. na umuusad na ang Pilipinas tungo sa modernisasyon sa pamamagitan ng mga proyektong imprastruktura at teknolohiya, hindi niya binanggit ang pagpalpak ng SIM Registration Law sa paghadlang sa mga krimen [sa bansa],” sabi ng grupo.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), ibinida ni Marcos Jr. ang pag-unlad ng internet services at cyber security sa bansa ngunit, ikinababahala ng CPU ang kawalan ng pansin ng pangulo sa mga isyu kaugnay sa SIM Registration Act at cybercrime sa bansa.

Bitbit na pangako ng SIM Registration Act na wawakasan nito ang mga scam at iba pang cybercrime sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga personal na impormasyon ng mga user upang matukoy ang mga scammer.

Binalikan ng CPU ang mga isyu na kinaharap ng batas noong unang linggo ng implementasyon nito gaya ng pagbagsak ng mga registration server, malaking bilang ng mga rehistrasyon gamit ang fake IDs, at leak sa mga personal na impormasyon ng milyong subscribers sa publiko.

Ayon pa sa sarbey, 74% ang nakararamdam na walang maayos na tugon ang gobyerno at mga telecommunication company sa mga biktima ng mga scam.

“Malinaw na ang pag-obliga sa lahat na magrehistro ng kanilang mga SIM ay hindi nakapigil sa mga isyu ng scam. Sa katunayan, ayon na rin sa gobyerno, ang mga kaso ng cybercrime sa bansa ay tumaas pa ng 22% noong first quarter ng 2024,” sabi ng grupo.

Mula sa sarbey, 91.7% ng mga sumagot ang sumasang-ayon na palpak ang SIM Registration Act.

“Mas ginawa pang bulnerable ng SIM Registration Law ang mga Pilipino sa scam.” dagdag ng grupo.

Ibinida rin ng pangulo ang digitalization ng mga government services upang mapabilis ang mga transaksiyon at proseso sa mga pampublikong tanggapan, Free Wi-Fi program at ang National Fiber Backbone sa kaniyang SONA.

Sa kabila nito, ayon sa CPU, nananatiling mabagal, hindi mapagkakatiwalaan at mahal ang internet connection sa Pilipinas. Gayundin may mga kaso pa rin ng mga data leak at pagtaas ng cybercrime sa bansa simula nang maupo si Marcos Jr. noong 2022.

“Walang technofix para sa mga krisis ng Pilipinas sa ekonomiya, politikal at panlipunan. Ang digitalization ay hindi mapipigilan ang korupsiyon at krimen,” wika ng grupo.

Nanindigan din ang CPU na dapat gamitin ang teknolohiya para sa kaunlaran at ikabubuti ng mamamayan.

“Ang mga pag-unlad sa information and communications technologies ay maaring positibong makaapekto sa lipunan pero hindi nito dapat isaalang-alang ang dignidad, soberanya ng bansa, at kalagayan ng kalikasan,” tindig ng grupo.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!