Pamalakaya Pilipinas, nanawagan ng pananagutan sa San Miguel oil spill – Pinoy Weekly


Patuloy na lumulubog sa matinding krisis ang mga mangingisda dahil wala pa ring sapat na tulong at aksiyon mula sa gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ilang linggo matapos ang insidente ng nakakapinsalang oil spill ng San Miguel Corporation sa Manila Bay.

Binatikos ni Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas), ang administrasyong Marcos Jr. sa kakulangan ng epektibong tugon upang tulungan ang mga mangingisda na apektado ng mga sakuna at kalamidad.

Aniya, marami sa mga mangingisda sa Cavite ang hindi pa rin nakakatanggap ng sapat na tulong kahit pa mayroong fishing ban sa lalawigan. Samantala, binabarat ang mga huli ng mga mangingisda sa Bataan dahil sa espekulasyon ng mga trader na kontaminado ang mga ito ng langis.

“Noon pa kami nananawagan sa Department of Agriculture (DA) na magkaroon ng interbensiyon para tiyaking nabibili sa makatuwirang presyo ang produkto ng mga mangingisda at maiwasan ang kanilang pagkalugi,” dagdag niya.

Iginiit din ni Arambulo na dapat managot ang kompanyang may-ari ng lumubog na oil tanker na MT Terra Nova sa pamamagitan ng pagbibigay ng pinansyal na tulong sa mga apektadong mangingisda at rehabilitasyon ng nasirang ecosystem ng Manila Bay.

“Dapat hindi na makatakas sa pananagutan ang kompanyang sangkot sa oil spill na nauna nang tinukoy ng Philippine Coast Guard na may kaugnayan sa San Miguel Corporation. Ito rin ang parehong kompanya na sangkot sa mapaminsalang oil spill sa Oriental Mindoro noong nakaraang taon na hanggang ngayon ay pinagdudusahan pa rin ng mga mangingisda,” wika ni Arambulo.

Magkakasa ang Pamalakaya Pilipinas at Kalikasan People’s Network for the Environment ng malawakang protesta na dadaluhan ng mga mangingisda mula sa iba’t ibang bahagi ng Cavite, Navotas at Bataan upang panagutin ang administrasyong Marcos Jr. dahil sa pagkainutil at kapabayaan nito sa harap ng mga sakunang pangkalikasan.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!