Promosyon ng 2 huwes na ‘warrant factory’, muling tinutulan – Pinoy Weekly


Mariing tinutulan ng human rights watchdog na Karapatan ang mga aplikasyon ng dalawang huwes ng regional trial court sa mga mas mataas na posisyon sa hudikatura. Ayon ito sa liham na ipinadala ng grupo sa Judicial and Bar Council (JBC) nitong Set. 18.

Ang JBC ang responsable sa pamimili at pagtatalaga sa mga huwes at hukom sa mga korte sa bansa.

Muling nagsumite si Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Quezon City Regional Trial Court Branch 84 ng aplikasyon bilang mahistrado sa Court of Appeals (CA) at Sandiganbayan, habang nagsumite muli si Judge Jason Zapanta ng Manila Regional Trial Court Branch 174 ng aplikasyon bilang mahistrado ng CA.

Nauna nang nagpasa ng aplikasyon ang dalawa sa mga bakanteng posisyon sa mga mas mataas na hukuman at nainterbyu noong Hunyo ngunit hindi pinalad na makapasa.

Nakilala si Burgos-Villavert sa paglalabas ng mga kuwestiyonableng search warrant na naging dahilan ng pag-aresto at pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa 76 aktibista mula 2018 hanggang 2020.

Si Zapanta naman ang naglabas ng dalawang search warrant para puntiryahin ang 24 na indibidwal sa mga lalawigan ng Rizal, Batangas, Cavite at Laguna na nagresulta sa tinaguriang “Bloody Sunday” na kumitil ng siyam na aktibista sa Timog Katagalugan noong Mar. 7, 2021. Inaresto rin ang anim na katao sa operasyon ng militar at pulisya sa rehiyon.

Ayon sa Karapatan, pinawalang bisa ang mga warrant na inilabas ng dalawang huwes dahil sa iba’t ibang mga kakulangan, kabilang ang hindi maayos na pagtatanong upang malaman kung may probable cause ang mga kasong inilapit sa kanilang mga korte.

Dahil sa mga kakulangan, ibinasura ang marami sa mga warrant na inilabas nina Burgos-Villavert at Zapanta at napalaya ang mga aktibistang ilegal na nakulong.

Sa kasamaang palad, nakapiit pa rin ang tatlong nakatatanda at may sakit na aktibista dahil sa mga warrant ni Burgos-Villavert. Kasama na dito si National Democratic Front of the Philippines peace consultant Vicente Ladlad at mga kasamang sina Alberto at Virginia Villamor.

Ayon sa Karapatan, hindi marapat na maging hukom sina Burgos-Villavert at Zapanta ng CA o Sandiganbayan dahil ipinapakita ng kanilang rekord na wala silang kakayahan, integridad, katapatan at independensiya para manungkulan sa mas mataas na posisyon sa hudikatura.

Umaapela ang grupo sa JBC na limiin nang mabuti ang mga impormasyong naipresinta at agarang i-disqualify ang dalawang huwes sa mga posisyong nais makuha.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!