Pagtugon sa tunay na ugat ng armadong sigalot – Pinoy Weekly


Dahil pinahahalagahan ko ang kapayapaan, katarungan at pagkakapantay-pantay, naniniwala akong dapat pagnilayan ang pagsisikap na magkaroon ng kapayapaan sa ating bansa. Pinag-uugnay tayo ng pagnanais na matapos na ang armadong tunggalian sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Pero hindi maaaring simpleng ideklara ang kapayapaan—kailangan nakabatay ito sa pantay na pagtingin at tunay na pagsisikap na solusyonan ang malalim na ugat ng tunggalian.

Kamakailan, may mga panawagan sa NDFP na isuko ang kanilang mga armas para ipakita ang kanilang katapatan sa peace process. Mukha man itong hakbang patungong kapayapaan, posibleng maging hudyat ito ng pagbalewala sa mga ugat ng pakikibaka. Hindi sa kawalan ng tunggalian manggagaling ang tunay na kapayapaan. Kailangan matugunan ang mga isyu sa kahirapan, kawalan ng lupa at masidhing hindi pagkakapantay-pantay—lahat ng mga dahilan bakit nag-aarmas ang iba.

Bilang mga Kristiyano, tungkulin nating manawagan para sa hustisya, para sa lahat. Sa Isaias 1:17, sinasabi na “Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at ipagsanggalang ang mga biyuda.”

Nakaugat ang tunggalian ng GRP at NDFP sa ilang dekadang hindi nareresolbang mga isyung panlipunan na nakakaapekto sa milyon-milyong Pilipino. Katumbas ng pagsasawalang-bahala sa tunay na gawaing pangkapayapaan ang paghingi sa isang panig na tumigil sa pag-aarmas nang hindi tinutugunan ang mga isyung nabanggit. Ang kapayapaan ay bunga dapat ng katarungan—hustisya na nagsisigurong pantay ang oportunidad ng lahat, lalo na para sa mga ilang henerasyon nang marhinado.

Hindi dapat umikot sa pagsuko ng armas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP. Dapat maging bahagi rin ang sagot sa mga isyu tulad ng reporma sa lupa, karampatang hatian sa mga yaman ng bansa, at tunay na pagbabago sa lipunan. Gabay ang nakasulat sa Bibliya sa Mikas 6:8: “Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.” Pinapaalala ng bersonb ito na ang kapayapaa’y hindi lang kawalan ng giyera, kundi ang presensiya ng hustisya at awa.

Kailangan ng GRP at NDFP harapin ang isa’t isa na parehong bukas sa pakikinig at handa sa pakikipagtulungan tungo sa pagbuo ng mga solusyon para sa mga malalim na ugat ng tunggalian. Paalala sa atin ng Mga Kawikaan 29:7, “Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap, ngunit ito’y balewala sa mga taong swapang.” Kung magtatagumpay ang usapang pangkapayapaan, sa prinsipyong ito dapat nakabatay ang mga talakayan—ang kalingain ang pinakamahihirap at bulnerable sa lipunan, at siguruhin na pakikinggan sila at matutugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Marapat nating matandaan na kailangan sa tapat na pagkakasundo ang parehong pagbibigay, pakikinig at pakikipagtulungan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Lilikha lang ng huwad at madaling mabuwal na kapayapaan ang pagpilit sa NDFP na sumuko sa pag-aarmas nang hindi pinapakinggan ang hinaing ng kanilang mga nirerepresenta. Kailangan rin ipakita ng GRP ang sinseridad nito gamit ang kongkretong mga hakbang para sa mga reporma na bubuo ng lipunan kung saan makapamumuhay ang bawat Pilipino nang may dignidad at pag-asa para sa hinaharap.

Habang nananalangin tayo para sa kapayapaan, kailangan rin nating ialay ang sarili sa mabusising gawain ng paghahanap ng katarungan. Pinapaalala sa atin ng Mateo 5:9, “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila’y ituturing na mga anak ng Diyos.” Manggagaling ang totoong kapayapaan mula sa pagkilos ng parehong panig para sa isang makataong lipunan—kung saan may oportunidad magtagumpay ang lahat, at kung saan tinutugunan, hindi tinatalikuran, ang ugat ng mga tunggalian.

*Unang inilathala sa wikang Ingles sa Davao Today



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!