Patuloy na pagmimina sa Tampakan, tinutulan – Pinoy Weekly


Nagprotesta ang mga tanggol-kalikasan, katutubo at mamamayan sa Koronadal City, South Cotabato upang pigilan ang pagpapalawig ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng Tampakan copper-gold project nitong Okt. 4.

Nagmartsa mula sa simbahan ng St. Anthony de Padua patungong Koronadal Regional Trial Court Branch 24 upang isampa ang petisyon laban sa dagdag 12 taong operasyon ng mapanirang pagmimina ng Sagittarius Mines Inc. (SMI).

Anila, ilegal ang pagpapatuloy ng open-pit mining sa bayan ng Tampakan dahil pinirmahan ang FTAA ni dating Mines and Geosciences Bureau (MGB) national director Leo Jasareno dahil nasa pangulo lang ang kapangyarihang magpalawig nito.

“Iminamandato ng Konstitusyon na tanging ang pangulo ang maaaring pumasok sa mga kasunduan kaugnay ng financial o technical assistance. Walang ibang taong gobyerno ang may poder para sa aprubahan ang ganitong kontrata, kahit pa direktor ng MGB,” wika sa Ingles ni Ryan Jay Roset, abogado ng mga petisyoner.

Hindi rin umano dumaan sa maayos na konsultasyon sa lokal na komunidad ang pagpapatuloy sa proyektong minahan na may masamang epekto sa kalusugan, kalikasan at agrikultura.

Nakubra ng SMI ang FTAA upang minahin ang Tampakan mula sa Western Mining Corporation (WMC) noong 2001, kung saan epektibo itong proyekto hanggang Mar. 21, 2020.

Dahil sa bagong FTAA na pinayagan ni Jasareno, napirmahan noong Hun. 8, 2016, tuloy-tuloy ang pagmimina sa Tampakan hanggang Mar. 21, 2032.

“Napaso na ang FTAA ng Tampakan project. Walang kapangyarihan ang MGB na paliwigin ito dahil tanging ang pangulo lang ang maaaring magpasya rito. Kung nais magpatuloy ng kompanya, dapat muli silang magsagawa ng konsultasyon,” ani Marbel Bishop Cerilo Casicas sa wikang Ingles.

Ikinababahala ng mamamayan ng lokalidad ang lalong pagkasira ng likas ng yaman sa lugar, partikular na ang Marbel-Buluan watershed na kailangan para sa agrikultura at pangisdaan sa buong rehiyon ng Soccsksargen na isa sa mga pangunaning prodyuser ng bigas, mais, pinya, kape at saging sa bansa.

Ipinagbabawal noon pa ang open-pit mining sa lalawigan ng South Cotabato dahil sa parehong isyu, ngunit inalis ito ni dating Gobernador Reynaldo Tamayo Jr. noong 2022, na siyang nagbigay-daan sa pagpapatuloy ng pagmimina sa lugar.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!