Ang Bayan Ngayon » Mga pampublikong paliparan, pinaghatian na ng mga burgesya kumprador para pagkakitaan


Hindi lamang ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang paliparang isinapribado ng rehimeng Marcos Jr. Hindi bababa sa pito pang lokal na paliparan ang isinapribado na o isasapribado pa ni Marcos sa susunod na taon. Ang mga pampublikong imprastruktura at serbisyong ito ay pinaghatian na ng pinakamalalaking burgesya kumprador.

Tulad sa NAIA, tiyak na susundan ito ng pagtaas sa singil sa serbisyo at ng tanggalan ng mga empleyado at manggagawa sa mga paliparang ito.

Sa isang seremonya kahapon, Oktubre 13, pormal nang iginawad ng lokal na gubyerno ng Laguindingan sa Aboitiz Infacapital Inc (AII) ang kontrata para paunlarin at pangasiwaan ang Laguindingan Airport sa Misamis Oriental sa susunod na 30 taon. Sineserbisyuhan ng paliparang ito ang mga byahero sa Cagayan de Oro, Marawi, Iligan at Bukidnon. May hiwalay pang panukala ang Aboitiz para sa pribatisasyon ng paliparan sa Bohol.

Pinasok na rin ng Aboitiz ang pangangasiwa sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) na isinapribado ng noo’y rehimen ni Benigno Aquino III. Noong Disyembre 2022, binili ng Aboitiz Infacapital Inc (AII) ang 33.3% ng mga sapi ng consortium sa halagang P9.5 bilyon. Pinagkakakitaan ngayon ang paliparan ng consortium na GMR-Megawide Cebu Airport Corporation na unang binuo ng malaking negosyante na si Edgar Saavedra.

Sa 2025, plano ng rehimeng Marcos na sunud-sunod na isinapribado ang mga pampublikong paliparan sa Iloilo, Puerto Princesa (Palawan), Kalibo (Aklan) at Davao.

Ang mga paliparan sa Iloilo at Puerto Princesa ay kinopo na ng pamilyang Villar sa pamamagitan ng Prime Asset Ventures sa halagang ₱14.7 bilyon at ₱10.24 bilyon. Ang paliparan sa Aklan ay kinuha naman ng Mega7 Construction Corp, isang kumpanyang pinagmamay-ari ng isang kumpanyang nakabase sa Singapore.

Samantala, muling sinimulan ang proseso ng pribatisasyon ng paliparan sa Davao sa direksyon ng International Finance Corporation ng World Bank at Asian Development Bank. Sa nakaraan, nagsumite ng bid o panukalang halaga ng pagbili ang Chelsea Logistics and Infrastructure Holdings Corp, kumpanyang kroni ng pamilyang Duterte na si Dennis Uy, bago ito nalugi.

Dati nang isinapribado ang Clark International Airport, na pinatatakbo at pinagkakakitaan ng Luzon International Premier Airport Development (LIPAD) Corp, isang consortium na dominado ng pamilyang Gokongwei, ang may-ari ng Cebu Pacific.

Isa sa pangunahing tagapagtulak ng anti-mamamayang mga pribatisasyong ito si Sen. Grace Poe ng komite sa transportasyon sa Senado.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!