Patuloy na kawalang hustisya sa pagpaslang kay Ganda – Pinoy Weekly


Isang dekada mula nang paslangin ang transwoman na si Jennifer Laude ng Amerikanong sundalong si Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City, wala pa ring hustisyang nakakamit sa karumal-dumal na krimen.

Tumatak sa isip ng mamamayang Pilipino ang kaso ni Laude sapagkat nagsilbing imahen ito ng mapanganib na kalagayan ng LGBTQ+ community sa Pilipinas. 

Nahatulang may sala sa kasong homicide at pinatawan ng anim hanggang 12 taon sa bilangguan si Pemberton noong 2015, ngunit binigyan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon ang Amerikano noong 2020.

Giit ng grupo ng mga progresibong LGBTQ+ na Bahaghari, ang paglilitis umano kay Pemberton ay nagpapakita ng pagkatuta ng gobyerno ng Pilipinas sa United States (US).

Sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA), isang taon lang ang ilalaan ng korte upang matapos ang kaso laban kay Pemberton. Dagdag pa rito, ibinilanggo ang sundalong Amerikano sa loob ng  isang espesyal na selda sa loob ng Camp Aguinaldo at hindi sa pangkaraniwang kulungan.

“Habang ang Pilipinas ay nanatiling neokolonya ng United States, habang ang ating ekonomiya, politika, kultura at militar ay tumatanaw ng utang na loob sa US, hanggang ang ating mga lider ay mananatiling duwag kagaya ni Marcos Jr. na tinatanggihang ipagtanggol ang soberanya ng Pilipinas, lahat tayo ay si Jennifer,” ani Bahaghari chairperson Reyna Valmores.

Kahit sa ibayong dagat, wala pa ring hustisya para kay Laude. Nakatikom ang bibig ng gobyerno ng United States (US) sa kaso sapagkat sundalo nila ang pumaslang sa ating kababayan.

Ayon sa grupo, makakamit lang ang tunay na hustisya para kay Laude sa pagbabasura sa mga ‘di pantay na tratadong militar sa pagitan ng Pilipinas at US, pagpapatibay sa mga polisiyang isinusulong ang kalayaan ng mga mamamayang Pilipino at nilalabanan ang imperyalistang US, at ang pagtatayo ng mga institusyon na nakatuon sa paglaban sa diskriminasyon at proteksiyon ng mga Pilipinong LGBTQ+.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!