Aprubadong IRR ng Eddie Garcia Law, bitin pa rin – Pinoy Weekly


Inaprubahan na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Eddie Garcia Law o Republic Act 11996 nitong Okt. 2 na naglalayong magbigay ng mas matatag na proteksiyon sa mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Pinangalanan ang batas bilang paggunita kay Eddie Garcia, isang beteranong aktor na nasawi dahil sa aksidente sa set ng isang pelikula noong 2019. Nilalayon ng batas na palakasin ang karapatan ng mga aktor, crew, at iba pang manggagawa sa produksiyon. 

Isinasaad sa IRR ang kahalagahan ng pagbibigay pansin sa mga umiiral na batas na may kaugnayan sa harassment at pang-aabuso, tulad ng Anti-Sexual Harassment Act o Republic Act 7877 at Safe Spaces Act o Republic Act 11313, upang mapigilan ang anumang uri ng karahasan, diskriminasyon at pang-aabuso sa mga set ng produksiyon.

Bagaman itinuturing ng mga grupong Tambisan sa Sining at Eyes on Set Network ang halaga ng batas sa pagbibigay proteksiyon sa mga manggagawa na nasa loob ng industriya ng telebisyon at pelikula, binigyang pansin din nila na marami pang bahagi nito ang kailangang suriin at pagbutihin.

Sa pananaw ng Tambisan sa Sining, ginagamit ng malalaking kompanya ang batas para lalo pang ibaba ang sahod ng mga manggagawa sa halip na bigyan ng pansin at tiyakin ang mga karapatan. Dagdag pa rito, binatikos din nila ang labis na haba ng oras ng trabaho na kadalasang umaabot ng 30 oras na malinaw na paglabag sa batas ng paggawa.

Sa kabilang banda, kinilala ng Eyes on Set Network ang kahalagahan ng Eddie Garcia Law sa pagpapalakas ng mga unyon ng mga manggagawa, ngunit binigyan-diin nila na kritikal ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga reporma tulad ng kaligtasan ng manggagawa sa trabaho, wastong pasahod at benepisyo, at makataong oras ng paggawa.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!