Aurelio Tolentino: Makata, mamamahayag, rebolusyonaryo


Kilala siya sa kanyang mapangahas at pinakatanyag na dulang “Kahapon, Ngayon at Bukas” na gumulantang sa mga Amerikanong manonood noong Mayo 14, 1903 sa Teatro Libertad sa Maynila.

Isang Kapampangang mandudula, makata, mamamahayag at rebolusyonaryong Pilipino si Aurelio Tolentino na ipinanganak noong Okt. 15, 1869 sa Santo Cristo, Guagua, Pampanga at bunso sa tatlong anak nina Leonardo Tolentino at Patrona Valenzuela.

Nilisan ang kanyang buhay sa Guagua at nagtrabaho bilang klerk sa Tondo, Maynila kung saan nakilala niya ang tubong-Tondo na si Andres Bonifacio, ang tinaguriang Ama ng Rebolusyong Pilipino. Isa siya sa mga unang kasapi ng Katipunan at tumulong sa paghahanap ng lihim na kuta sa kabundukan ng lalawigan ng Morong, Rizal ngayon, na nagsilbing himpilan sa paghahanda ng rebolusyon.

Kabilang siya sa mga nahuling Katipunero noong Agosto 1896 nang malantad sa mga Espanyol ang lihim na kilusan. Nakulong sa loob ng siyam na buwan dahil sa kanyang pagiging Katipunero at mason.

Sa kanyang paglaya, nanatiling masidhi ang pagnanais na makamit ang kalayaan ng bansa at sumapi sa rebolusyonaryong hukbo ni Heneral Vicente Lukban. Isa rin si Tolentino sa 98 kataong lumagda sa Deklarasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Nang dumating ang mga Amerikano sa bansa, itinatag niya ang Junta de Amigos, isang samahan na binubuo ng mga dating Katipunero upang maghimagsik laban sa mga Amerikano. Bigo man ito, pluma ang ginamit niyang alternatibong paraan sa pakikibaka. Naging aktibo siya sa pagsulat sa mga pahayagang kritiko ng pamahalaang kolonyal United States at nagsilbing patnugot sa mga diyaryong Tagalog at Kapampangan.

Dumanas siya ng pagmamalupit sa detensiyon dahil sa mga inilathalang artikulong tumutuligsa sa pamahalaan. Aniya sa kanyang sariling talambuhay na isinalin ng historyador na si Ambeth Ocampo, imposibleng mamuhay bilang isang peryodista sa panahong iyon.

Teatro ang naging pangunahing sandata niya upang labanan ang mga kolonisador. Isinulat niya ang mga teatrikong akda tulad ng “Lagrimas Malayas” na isang trahedya na may tatlong yugto, “Bagong Kristo” na dulang sosyolohiya na tumatalakay sa mga manggagawa, at ang mapahangas na dulang “Kahapon, Ngayon at Bukas”.

Matapos itanghal ang tagpo ng pagyurak sa watawat ng Amerika, agad na dinakip ang mandudula dahil sa salang sedisyon at rebelyon. Subalit noong 1912, ginawaran ng siya executive pardon ng ni Gobernador Heneral W. Cameron Forbes dahil na rin sa panggigipit ng mula sa Washington.

Bukod sa kanyang kontribusyon bilang manunulat, itinatag din niya ang Samahang Hanapbuhay ng Mahihirap, ang kauna-unahang kooperatiba ng manggagawa sa bansa, at ang El Parnasa Filipino, isang paaralan na nagsusulong ng panitikang Filipino. 

Namatay si Tolentino noong Hulyo 5, 1915 sa Maynila. Inihimlay ang kanyang mga labi sa Manila North Cemetery at kalaunan’y inilipat sa kanyang bayang sinilangan sa Guagua, Pampanga.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!