Barat na pondo’t sahod sa serbisyong pangakalusugan – Pinoy Weekly


Bayani kung tawagin ang mga healthcare workers dahil sa abilidad nilang sumagip ng buhay. Pagod at puyat ang kalimitan nilang baon upang makatulong sa taumbayan. Subalit sa kabila nito, mababang sahod at salat na benepisyo ang sukli sa kanilang sakripisyo.

Napatunayan ng lumipas na pandemyang Covid-19 ang mga kakulangan at kahinaan ng sistemang pangkalusugan. Sinubok ng pandemya ang tatag at dedikasyon ng mga manggagawang pangkalusugan kahit kakarampot ang pasahod at benepisyo sa mga pampubliko’t pribadong pagamutan.

Ngunit kahit inilantad ng pandemya ang mga problema sa sistema ng pampublikong kalusugan ng bansa, wala pa ring pagbabago sa kalagayan ng mga kawani sa mga pampublikong ospital at health center.

Sa panukalang badyet para sa taong 2025, naglaan ang gobyerno ng P297.6 bilyon para sa Department of Health (DOH), bumaba ito mula sa P308.3 bilyon ngayong taon. Higit pa itong mababa kung ikukumpara sa badyet ng ibang sektor katulad ng edukasyon na may P793.1 bilyon at obras publikas na umaabot ng P900 bilyon. Dahil dito, hindi sumasapat ang pondo para sa pangangailangan ng mga pampublikong ospital at para sa sahod at benepisyo ng mga healthcare worker.

Sa datos ng Department of Budget and Management (DBM), P91.283 bilyon ang naibigay sa DOH mula taong 2021 hanggang 2023 para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) para sa mga health worker. Nasa P73 bilyon ang para sa Health Emergency Assistance (HEA).

Pero sa budget ng taong kasalukuyan, 21 pampublikong ospital ang binawasan ng pondo, kabilang ang mga malalaking ospital na karaniwang dinadagsa ng mga pasyente katulad ng National Children’s Hospital, Jose Fabella Memorial Medical Center at Eastern Visayas Regional Medical Center. Binawasan rin ang badyet para sa mga imprastruktura at kagamitan sa mga ospital na matinding nakaapekto sa mga pasyente.

Dahil sa lumalalang kakulangan ng atensiyon sa mga pampublikong ospital, napipilitan ang ilan na tanggihan ang mga pasyente dahil puno at siksikan na. Mismong mga manggagawang pangkalusugan na ang nangangalampag sa gobyerno na taasan at huwag bawasan ang badyet na nakalaan para sa mga ospital at healthcare worker. 

Sumasahod ang mga Nurse I sa mga pampublikong ospital ng P36,619 mula noong Enero 2024. Pero sa mga non-medical personnel, nasa daily minimum wage o P645 kada araw sa Metro Manila, kasama na dito ang mga nursing attendant.

Mariing pinanindigan ng Filipino Nurses United (FNU) na hindi ito sapat dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Kamakailan lang, kinalampag ng Health Workers United for Wage Increase (HWUWI) na aprubahan na ang nakabinbing na taas-sahod para sa mga healthcare worker.

Anila, dapat ipatupad ang entry-level na P33,000 na sahod bukod pa ang mga iniipit na benepisyo katulad ng HEA at performance-based bonus na hindi pa rin naibibigay sa mga health worker mula noong panahon ng pandemya.

Isa rin sa mga itinuturong dahilan ng mga healthcare worker ang mababang sahod kung bakit maraming nars ang pinipiling maging overseas Filipino worker (OFW). 

Tinatayang aabot sa 951,105 ang rehistradong nars sa bansa, ngunit 509,297 lang ang aktibo sa serbisyo. Ayon sa DOH, mahigit 300,000 nars ang nangibang bansa.

“Andami ngayon na nag-alisan at gusto mag-abroad dahil nabababaan sa sahod. ‘Yong [P50,000] na sahod magandang incentive ‘yon,” ani Louie na apat na taon nang nars sa pampublikong ospital na Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) sa Marikina City.

Dahil sa pagtaas ng bilang ng mga umaalis na healthcare worker sa bansa, nagkakaroon rin ng understaffing. Ito ang karaniwang dahilan kung kaya’t napipilitan mag-overtime at makaranas ng matinding pagod ang mga nars at iba pang kawani.

“Kapag [understaffed], madalas straight [shift] ‘yong mga nurse, eight hours ‘yong pasok namin, pero ‘pag walang kapalit magiging 16 hours. [Overworked] e ang dami pa naman pasyente,” sabi ni Louie.

Dagdag trabaho rin para sa kanila ang mababang pondo dahil outdated na ang mga makina at aparato na karaniwan nilang ginagamit.

“Lumang-luma na kaya minsan nahihirapan din [ang mga nars],” sabi naman ni Lea na mahigit tatlong taon ng nagtatrabaho rin sa ARMMC.

Sa halip na tugunan ang kakulangan sa mga nars, ibinukas sa mga pampublikong ospital ang pagkuha sa mga nursing attendants.

Sa loob ng anim na taon, tatlong ospital na ang napagsilbihan ni Elvie bilang utility worker, kontraktuwal sa isang health service agency.  

Sa mga unang taon ni Elvie, magkasabay na hawak ng agency ang dalawang ospital—ang San Lazaro Hospital at Jose Reyes Medical Center na magkalapit na pampublikong ospital sa loob ng compound ng DOH sa Sta. Cruz, Maynila.  

Sabi niya, madalas na palipat-lipat sila sa dalawang ospital para maglinis at magbigay serbisyo.

“Depende sa oras ng duty namin kung saan kami ilalagay sa bawat araw, minsan kung kailangan, kahit naka-duty ako sa isang ospital,” giit niya.  

Hindi lang simpleng paglilinis ng mga kuwarto at pasilyo ang kanilang trabaho. Sila ang madalas katuwang ng mga nars at doktor sa paghahanda ng mga pasyente sa prosesong medikal at laboratoryo tulad ng x-ray, pagkakabit at pag-alis ng suwero at iba pang gamit na nakakabit sa pasyente. Sila din ang tagabalot ng patay bago dalhin sa morge.

“Naranasan ko ang magbalot ng mga patay na [Covid-19] positive at namatay sa pneumonia,” ani Elvie.  

Sa pagiging utility worker niya, nagkaroon siya ng kasanayan sa mga basic medical procedure sa gabay ng mga regular na nars at maaaring pumasa bilang nursing aide.

“Kung bibigyan ng pagkakataon, mangingibang bansa din ako. Mas malaki ang sahod, kumpleto pa ang mga [equipment] doon,” sabi niya.

Patuloy ang pagdaing ng mga manggagawang pangkalusugan dahil sa patuloy na kapabayaan ng gobyerno na nagiging mitsa kung bakit napipinsala hindi lang ang mga pasyente kung hindi pati na rin ang mga nagtatrabaho sa pampublikong ospital.

Taon-taon kung tapyasan ng gobyerno ang badyet sa kalusugan at maraming mamamayan ang naaapektuhan at nawawalan ng benepisyo at tamang pagkalingang dapat na tinatamasa ng lahat.

Ani Salome Ejes ng Philippine Heart Center Employees Association, hindi umano biro ang mga sakit ng tao ngayon na kasabay ng pagbabago ng panahon kaya wala silang tigil sa pagtuligsa sa pagtapyas sa badyet at iba pang isyung kinakaharap ng sektor.

“Araw-araw ‘yong pagtaas ng [presyo ng] bilihin, mas apektado lalo na ‘yong mga gamit natin sa ospital. ‘Yong mga gamot, hindi ‘yan bumababa. Kaya pinipilit naming ilaban sa gobyerno na huwag mag-budget cut. Imbis, dagdagan nila. Ilang milyon ba ang binibigay nila sa pagbili ng mga baril at kung ano-ano pang pandigmang kagamitan? Pero itong buhay na mahalaga, hindi nila binibigyan ng sapat na badyet. Napakahirap palusutin ng pagtaas ng badyet,” sabi niya.

Napeperhuwisiyo rin aniya ang pagseserbisyo ng mga pampublikong ospital dahil sa kulang-kulang kagamitan at pasilidad na resulta ng taon-taong kaltas sa pondo para sa pagbili at pagsasaayos ng mga kagamitan.

Dagdag ni Ejes, kung may sapat na pondo na nakadiseniyo para sa mga gamit, gamot at libreng operasyon, hindi na kailangan pang pumila nang mahaba dahil kusa na itong ibibigay ng ospital. Sa katunayan, pinipilahan na ang libreng pagpapagamot sa Malasakit Center ng Philippine Heart Center (PHC) kahit alas tres pa lang ng madaling araw. 

“In a day, talagang napakaraming pasyente dahil makikita naman siya sa outpatient department at emergency rooms namin. [Jam-packed] lagi,” aniya.

Sa gitna ng kaliwa’t kanang problema sa sistema ng pampublikong kalusugan ng bansa, hindi nawawalan ng lakas ng loob ang maraming manggagawang pangkalusugan para isulong at igiit ang kanilang mga karapatan sa nakabubuhay na sahod at makabuluhang benepisyo at karapatan ng taumbayan sa dekalidad na serbisyong medikal.

Nagsumite na ng certificate of nomination and acceptance ang Health Workers Partylist (HWP) nitong Okt. 3 matapos payagan ng Commission on Elections na tumakbo sa halalan sa 2025.

Pangunahin sa plataporma ng grupo na magkakaroon ng libre at aksesableng serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas, maging ang pagtutol sa pagsasauli ng hindi nagamit na P89 bilyong pondo ng PhilHealth sa national treasury.

Ayon kay Ejes, magsisilbing boses at representasiyon ang HWP sa Kamara upang marinig at malaman ng mga lider ng bansa na mahalaga ang kalusugan at hindi basta-bastang usapin lang.

Kung papalarin aniyang manalo sa darating na eleksiyon, isa ang Magna Carta for Health Workers sa mga pangunahing panukala na isusulong nila.

Bagaman matagal nang nakabinbin, naglalayon itong mabigyan ng pantay na benepisyo ang mga maggagawang pangkalusugan. Adbokasiya rin nila na pagandahin ang health system ng bansa sa pamamagitan ng pagpapalakas nito mula sa antas komunidad.

“Sana po ay mabigyang pansin ng gobyerno na magkaroon ng iba’t ibang batas para sa health system, kasi hindi lang naman para sa amin itong health workers, kung hindi sa mga Pilipinong magkakasakit, magkakaroon ng karamdaman, dahil mahalaga sa akin, sa atin ‘yong buhay,” ani Ejes.

Hindi kulang ang ibinibigay na pagsisiskap ng mga healthcare worker na kayod-kalabaw sa bawat duty nila. Subalit, hindi natin masisisi ang kanilang pagrereklamo dahil sa hindi makatuwirang sistema na umaabuso sa kanilang kakayahan.

Mahirap ang propesyong sa larangan ng kalusugan ngunit kapos ang pagkilala. Nararapat na tratuhin sila nang tama at may pagkalinga katulad kung paano nila alagaan ang mga pasyente sa iba’t ibang ospital, mapa-publiko man o pribado.

Walang salitang makatutumbas sa ibinibigay nilang pagpapagal at pagsisikap, kung kaya nararapat lang na mapalitan ito ng karampatang aksiyon at lunas.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!