Kuwentong Palestino sa Pinas – Pinoy Weekly


“Saan ako pupunta pagkatapos? Ganito lagi ang iniisip namin,” sabi ni Mahadia Abu Dalal, isang Filipino-Palestinian na lumaki buong buhay niya sa Gaza at kasalukuyang naninirahan sa Quezon City.

Lumikas siya kasama ang kanyang pamilya nang tumindi ang pambobomba ng militar ng Israel sa Gaza, Oktubre ng nakaraang taon. Sa Gaza, napilitan siyang iwanan ang kanilang bahay, lupa at ang trabaho niya ng 11 na taon bilang guro ng Ingles. 

Isang taon makalipas, ibinahagi niya noong Okt. 13 sa SinePop Cubao ang kanyang sining at kaalaman sa isang payak na film screening at art display na inorganisa ng Respond and Break the Silence Against the Killings (Resbak), alyansa ng mga alagad ng sining at midya na binuo bilang pagtutol sa madugong giyera kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Naging lunsaran ng sining at ilang maikling pelikula ang pagtitipon. Kasama na dito ang eksperimental na pelikula ng Filipino filmmaker na si Demie Dengla na “Waves of Noise,” na may inspirasyon mula sa panawagang “from the river to sea, Palestine will be free!” At ang dokumentaryong “Made in Palestine” ni Mariam Dwedar, Filipino-Egyptian na direktor na kilala sa iba’t ibang patimpalak para sa peryodismo at pelikula. 

Sa “Ana Huna: I am here,” maikling dokumentaryo ni batikang direktor at PinoyMedia Center board member Kiri Dalena, kinuwento ni Mahadia kung paano niya nakitang binomba ang kotse na katabi nila sa kalsada habang sinusubukan nila tumakas sa karahasan at kung paanong sa ulat ng Al Jazeera pa niya nabalitaan ang pagkawasak ng bahay nila sa Gaza, kasama ang imahen ng duguan niyang asawa sa ospital.

“Mas ligtas na dito sa Pilipinas kaysa kung saan may masaker,” sabi ni Mahadia, pero hindi raw ibig sabihin nito’y nawalan na sila ng kailangan intindihin bukod sa pagkawasak ng kanilang lupain sa Gaza.

“Kailangan ko magtrabaho ng 14 o 16 na oras sa ilalim ng initan para sa aking pamilya,” sabi ni Fadi sa wikang Arabe na isinalin ni Mahadia sa Ingles. “At pakiramdam ko kahit habambuhay ako magtrabaho, hindi ko mababayaran kasi patong-patong ang bayarin.”

Bukod sa pang-araw-araw nilang gastusin, kailangan niyang intindihin ang nasa P60,000 na multa dahil sa ilang isyu sa kanyang visa. Hirap siyang mag-asikaso ng papeles dahil hindi siya nagsasalita ng Ingles o Filipino.

Ang nakabisado lang niyang linya para maglako ng pagkain ay “Biryani, biryani chicken! Sobrang masarap! Mainit pa!” Itong ikinabubuhay niya ang pinagsaluhan ng komunidad bago ipinalabas ang mga pelikula.

“Umabot na ng isang taon at [hanggang ngayon] hindi pa rin nasasagot ang kanilang refugee status,” sabi ni Amirah Lidasan, secretary general ng Moro-Christian Peoples’ Alliance at isa sa mga kandidato ng Makabayan sa pagkasenador.

Ayon sa kanya, matagal nang ikinakampanya ng iba’t ibang grupo ang higit na pananagutan at pagkilala ng gobyerno sa nagpapatuloy nitong obligasyon sa mga dumating na Palestino sa bansa.

“May problema sa pabahay, sa papeles, sa pinansya—lahat ng mga ito sama-sama, sobrang bigat sa isip, sa kaluluwa, sa puso,” sabi ni Mahadia. Kahit isa lang sa ito ang masolusyunan, aniya, malaking ginhawa na sa kanila.

Kaya sa ngayon, gamit nilang magkakapatid ang talento sa pagpipinta para mapunan ang kanilang pangangailangan. Sa naging pagtitipon, tampok ang likha nina Mahadia, ng kanyang mga kapatid na sina Mohammed at Mahmoud at ng iba pang kapwa Palestino.

Sabi nga ni Mohammed, napakaraming talentado sa Gaza pero walang espasyo para mapaghusay nila ang kanilang kasanayan dahil bago pa ang henodisyo, napakarami nang balakid.

May isang dekada na ring nagpipinta si Mohammed, pero sabi niya “hindi madali makakuha ng materyales dahil [nakukulong] sa mga border ang Gaza.” Hindi rin daw madali makapaglibot dahil sa dami ng mga checkpoint ng mga sundalong Israeli.

“Ang maging malaya. ‘Yan ang pangarap namin para sa bawat Palestino,” sabi ni Mohammed.

Isinalin mula sa Ingles ang mga panayam sa mga Palestino.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!