Inianunsyo kahapon, Nobyembre 4, ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-South Central Negros ang pagpapalit ng pangalan ng kumand nito mula sa Mt. Cansermon Command tungong Romeo Nanta Command sa direktiba ng Panrehiyong Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Isla ng Negros. Si Nanta ay kilala bilang si Ka Juanito Magbanua, ang namartir na tagapagsalita ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB-Negros.
Dinakip at pinaslang si Nanta ng mga pwersa ng rehimeng Marcos noong Oktubre 10, 2022 sa Sityo Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental. Inilaan niya ang halos 30 taon ng kanyang buhay sa adhikain ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Si Nanta ay naging kasapi ng Kabataang Makabayan noong dekada 1980 at narekrut sa Partido Komunista noong 1983. Ilang taon makalipas, naging bahagi siya ng yunit partisano at nagpasyang pumaloob sa hukbong bayan noong 1994.
Ipinatupad ng yunit ng BHB na kanyang kinabilangan ang atas ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa South Central Negros noong huling bahagi ng dekada 1990 hanggang maagang bahagi ng dekada 2000. Sa mga panahong iyon, tumayo siyang kumander ng naturang larangang gerilya.
“Ang mga Pulang mandirigma, kasama si Ka Juaning, ay masigasig na nagmulat, nag-organisa at nagpakilos ng masa para isulong ang matagalang digmang bayan sa erya matapos ang mga pagkukulang at pagkakamali ng rebisyunistang linya ng mga taon bago niyon,” ayon kay Ka Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng BHB-South Central Negros.
Dahil sa kanyang pagpupursige at rebolusyonaryong aktitud, itinalaga si Nanta sa Regional Military Staff bilang tagapangasiwa sa pagsasanay at ordnans. Naging tagapagsalita siya ng panrehiyong kumand ng BHB (Apolinario Gatmaitan Command) mula 2010 hanggang sa kanyang pagkamartir. Sa panahong iyon ay nahirang din siyang myembro ng Panrehiyong Komite ng Partido sa isla.
Bilang tagapagasalita ng BHB sa Negros, at isa sa nangungunang mga kadre ng Partido sa isla, walang pagod niyang itinaguyod ang interes ng mga manggagawa sa tubuhan at masang magsasaka sa mga asyenda ng isla. Epektibo niyang kinatawan ang BHB at Partido sa marami niyang panayam sa midya.
Ayon kay Magbuelas, ang pagpapangalan ng kanilang kumand kay Nanta ay magsisilbing paalala sa hindi mabilang na kontribusyon niya sa rebolusyong Pilipino. “Sa erya kung saan siya nagsimula bilang Pulang mandirigma at namartir, habampanahong siyang aalalahanin,” dagdag pa ng tagapagsalita.