Nagtipon ang mga kasapi United Davao Delivery Riders Association (UDDRA) sa harap ng Sangguniang Panlungsod ng Davao City ngayong araw, Nobyembre 5, para ipanawagan na amyendahan ng konseho ang ordinansa na kinakailangang kumuha ng mga delivery rider ng business permit. Anang grupo, dagdag pahirap at gastos sa kanila ang permit na nagkakahalaga ng ₱1,720 hanggang ₱5,200. Ipinasa ang ordinansa noong 2021.
Nagtipon ang mga rider ngayong araw para itulak ang sanggunian na itigil na ang pag-oobligang kumuha sila ng permit kada unang buwan ng taon. “Ilang buwan na lang, renewal na naman, at mayroon pang 25% pagtaas kung hindi pa ito matatanggal,” pahayag nito.
Ibinahagi ng grupo na noong Oktubre 22 ay pinag-usapan na ng sanggunian ang posibleng pagtanggal sa rekisito. “Tiningnan natin, pero resolusyon lang at walang ngipin,” pagdidiin ng UDDRA.
Hindi umaasa ang mga rider sa resolusyon dahil ilang taon na nilang ipinanawagan na tanggalin ang business permit ngunit wala pa ring pag-usad. “Puro pangako at walang kongkretong aksyon,” anila.
Sa harap nito, naniniwala silang kailangang kumilos ng mga rider para ipakita ang pagkakaisa laban sa pahirap na permit. Tinatayang 6,000 mga rider ang inaasahang kumuha ng bagong permit sa darating na Enero.