Muling nagsagawa ng protesta ang mga manggagawa ng Manila Harbour Centre (MHC) sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa ng Harbour Centre (UMHC) sa harap ng upisina ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) sa Maynila kahapon, Nobyembre 4. Kinundena nila ang lokal na ahensya sa kawalang aksyon nito na ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema na ibalik sa trabaho ang iligal na tinanggal na mga manggagawa.
Kaugnay ang desisyon sa higit 370 manggagawa na tinanggal ng Harbour Centre Port Terminal, Inc. (HCPTI) noong Enero 2020. Idinahilan sa tanggalan ang kunwa’y pagtatapos ng kontrata ng kumpanya sa labor agency na Grasials Corporation. Nilabanan ito ng mga manggagawa at iginiit ang kanilang pagbalik sa trabaho. Noong Setyembre 2021, kinatigan sila ng Korte Suprema at inutusan ang kumpanya na ibalik sila sa trabaho.
Bilang bahagi ng kanilang paglaban, nagtayo ng kampuhan ang mga manggagawang tinanggal sa Road 10, Manila City para ipaglaban ang kanilang karapatan na maibalik sa trabaho noong Nobyembre 2022. Marahas na binuwag ng mga maton at tauhan ng HCPTI ang kampuhan. Liban sa pagbabalik sa trabaho, ipinanawagan din ng unyon ang pagbibigay ng back pay o sahod mula sa panahong tinanggal sila.
Sa pinakahuling protesta ng unyon, nagtirik sila ng mga kandila para alalahanin ang pumanaw nilang mga kasamahan na namatay na sa tagal ng pagpapatupad sa desisyon ng korte.