Hustisya at pananagutan ang sigaw ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa pagkamatay ni Robin Esguerra, manggagawa sa yutiliti ng SM City Baguio, noong Nobyembre 2. Anang militanteng sentrong unyon, dapat managot ang kumpanya sa kriminal na kapabayaan nito sa usapin ng Occupational Safety and Health (OSH) ng mga manggagawa.
Si Esguerra ay nasawi nang pumasok sa elevator habang nasa ibang palapag ang bagon nito. Nahulog siya nang 20 metro na kanyang ikinamatay. Naulila ni Esguerra ang kanyang 8-buwang buntis na asawa.
Kabi-kabila ang naging puna ng mga kapwa manggagawa sa social media sa naturang insidente. Anila, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng aksidente sa lugar ng paggawa sa SM City Baguio. Gayunman, itinatago sa publiko ang mga insidenteng ito.
“Malaking usapin sa manggagawa ang OSH at responsibilidad ito ng SM pati ng Department of Labor and Employment na siguraduhin ligtas ang mga manggagawa, lalo na ang mga trabaho na naglalagay sa manggagawa sa delikadong sitwasyon,” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan.
Dagdag pa ng lider-manggagawa, dapat papanagutin ang SM lagpas pa sa pakikipag-usap nito sa pamilya ng biktima. “[Dapat] magbayad ng kumpensasyon sa pamilya ni Robin Esguerra. Kailangan din managot ng DOLE sa kakulangan sa safety inspection na tungkulin nila sa gobyerno,” pahayag ni Adonis.
Nagpahayag ng suporta si Adonis sa pamilya ni Esguerra sa panawagan para sa kagyat na imbestigasyon sa aksidente. Gayundin, ipinaabot niya sa pamilya ang kanyang pakikiramay at pakikiisa sa panawagan para sa hustisya.
Ang SM City Baguio ay isa sa 85 na mga mall ng SM Supermalls. Pag-aari ang kumpanya ng SM Prime Holdings, Inc na hawak ng SM Investments Corporation o SM Group ng pamilyang Sy. Ang mga mall ng pamilyang Sy ay nakapagtala nang hanggang ₱71.9 bilyon na rebenyu noong 2023 na 30% mas malaki kaysa noong 2022.