Ang Bayan Ngayon » Pambabarat at pagpapatagal ng Nexperia sa negosasyon para sa CBA, binatikos ng unyon


Muling naglunsad ng noise barrage at nagmartsa ang mga manggagawa ng Nexperia Philippines noong Nobyembre 4 sa tapat ng kanilang pagawaan sa Light Industry Science Park I, Cabuyao, Laguna para batikusin ang pambabarat at pagpapatagal ng maneydsment ng kumpanya sa negosasyon para sa panibagong Collective Bargaining Agreement. Pinangunahan ang noise barrage ng Nexperia Phils. Inc. Workers Union (NPIWU-NAFLU-KMU).

Noong Enero nagsimula ang negosasyon. Magtatapos na lamang ang taon pero wala pang makabuluhang napagkakasunduan ang unyon at kapitalista dahil sa paulit-ulit na pagtanggi ng huli sa makatarungang kahingian ng mga manggagawa. “Ipinapakita ng mga hakbang ng maneydsment ang kanilang kawalan ng malasakit sa kapakanan ng kanilang mga manggagawa,” pahayag ng unyon.

Anito, ipinagkakait ng kapitalista ang nararapat na dagdag sa sahod at benepisyo sa harap ng nagtataasang presyo ng batayang mga bilihin sa bansa. Sa negosasyon noong Oktubre 17, binawasan ng kapitalista ang inihapag na dagdag sahod ng unyon para sa susunod na tatlong taon. Ang hinihingi nilang ₱900 ay ginawa na lamang ₱450.

Samantala, ang signing bonus na itinakda nila sa ₱36,000 ay ibinaba sa ₱15,000-₱18,000. Pagbabahagi ng NPIWU, sa nakaraang CBA ay nasa P550 ang dagdag sa sahod at mayroon pang rice subsidy, meal subsidy, at gift check. Ang kasalukuyang alok ay mas mababa kumpara rito. Ginagamit na pagdadahilan ng kumpanya ang barya-baryang dagdag sahod na iniatas ng Department of Labor and Employment sa Region IV-A.

Liban dito, binawasan ng kumpanya ang badyet para sa sahod at inilagay ito sa ibang benepisyo para mapababa ang kabuuang gastos ng CBA. Anang unyon, “nagbibigay ng kung anu-anong hindi makatotohanang rason ang management upang bigyang katwiran ang pambabarat na kanilang ginagawa.” Kabilang dito ang sinasabing pagbaba ng bolyum ng produksyon gayong hindi naman nabawasan ang arawang target na output.

Himutok ng unyon, napakatagal na ng negosasyon na Enero pa nagsimula. “(H)anggang ngayon, wala pa ring konkretong resulta na pakikinabangan ng mga manggagawa. Matagal ng nag-aambag ang mga empleyado sa Nexperia, ngunit hindi pa rin nararamdaman ang kabahagi nila sa bunga ng kanilang paghihirap nitong huling tatlong taon,” anito.

Malinaw umanong ipinakikita ng mga hakbang ng maneydsment na ginagamit nito ang negosasyon para pigilan at tipirin ang mga benepisyo ng mga manggagawa. Sa harap nito, nanindigan ang unyon na ipaglalaban nila ang hinihinging dagdag sahod at signing bonus.

“Handa ang mga manggagawa na lumaban upang makamit ang karapatang ito. Ipagpatuloy natin ang sama-samang pagkilos! Tuloy ang mga noise barrage tuwing breaktime sa kantina! Tuloy ang mga kilos protesta!” anang NPIWU.

Nagtungo at nakiisa sa protesta si Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Nagpahayag rin ng suporta sa mga manggagawa ng Nexperia ang pinakamalalaking unyon sa France at Netherlands na General Confederation of Labor, at Federation of Dutch Trade Unions, kasama ang global network na GoodElectronics at IndustriALL.

Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.



Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!