Ni Prestoline S. Suyat
Kung nagrally ang galit sa rally
ay nakakahilo sa tendensiya.
Mas kanan pa sa Kanan
Kaya nilang palabasin
na ang nang-aapi ang pinagsasamantalahan
at ang inaapi ang nagsasamantala.
Kaya nilang baluktutin
ang hustisya at iba pang doktrina
na nagsisilbi sa makikitid na interes nilang pulitika.
Kaya nilang sumbatan
ang hangganan ng batas
mananawagan ng pagpapabagsak
sa gobyernong noon pa ma’y kanilang pinagtatanggol
habang ang uluhan ng baril ay nasa ulo nila’t mga miron.
Kung nagrally ang galit sa rally
ay lilibakin ka
tayo
kung bakit hindi makita
ang kanilang nakikita.
ang maramdaman
ang kanilang nararamdaman
na para bang tayo ang manhid sa maraming panahon
at bulag sa katotohanang nangungusap mula pa noon.
Kung nagrally ang galit sa rally
ay tayo raw ang talo
tayong hindi raw nagsasawalang-kibo
hindi kumakampi.
Ito’y habang nagdidiwang
nagpipiyesta ang kanilang mga amo
naililigtas sa kanilang pagmamando
naipapagpag ang kanilang luho’t kapritso
nagbabandila sa lahat
na sila lang ang laging tama
at karapatdapat sa pagtatayo ng mga monumento.
Kung nagrally ang galit sa rally
ay uuwing nagmamalaki
ipinagtanggol daw ang bayan
pati na ang sarili.
Ngunit ang hindi nila alam
na ang pagkilos nila para sa interes ng iilan
sa pakikipaglaban nila para sa katiwalian
madidiskaril lalo ang pag-unlad na inaasam.
Ngunit darating ang panahon
magmamartsa
lalaban
ang kanilang mga anak at apo.
Maninindigan.
Hindi galit sa rally.
Hindi galit sa kolektibong paglaban.
Tunay na maglilingkod para sa bayan.
Babaguhin ang lipunan.
Aangkinin ang bukas.
Magtatagumpay.
