Kontraktwalisasyon sa pampublikong sektor, tinutulan

Nagprotesta noong Marso 24 ang mga kawani ng gubyerno para ipanawagan ang pagbabasura sa Joint Circular No. 2 S. 2020 ng Department of Budget and Management at Commission on Audit na nag-awtorisa sa mga ahensya ng gubyerno na kumuha ng mga manggagawa sa mga labor agency. Isinagawa ang protesta sa harap ng upisina ng DBM.

Anang mga kawani, magreresulta ang naturang kautusan sa malawakang sub-kontraktwalisasyon sa pampublikong sektor. Ipinanawagan din nila ang kagyat na regularisasyon sa 700,000 kontraktwal, kaswal at nakapailalim sa sistemang job order na kasalukuyang mga empleyado ng gubyerno.

Pinangunahan ng Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon) at Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) ang pagkilos.

Kasabay nito, ipinanawagan din nila ang pagtataas ng sweldo ng lahat ng mga kawani tungong P33,000 kada buwan.

“Maraming kawani ng gubyerno, laluna na ang mga nasa low salary pay scale, ay dati nang baon sa utang dahil sa tumataas na implasyon,” ayon sa Courage. “(S)a kabila nito, nakapako pa rin ang aming sweldo sa mas mababa sa nakabubuhay na sahod, patuloy na nasa panganib ang aming trabaho at ang karapatan namin para sa malayang asosasyon ay nilalabag.”

Patuloy ring tinututulan ng Courage ang “rightsizing” na ipinapakana ng rehimeng Marcos para “makatipid” diumano ang gubyerno. Walang iba ito kundi paraan para magbawas ng regular na kawani ang estado.

Source link

Support the Campaign

No to Jeepney Phaseout!