Baguio Blooms sa Panagbenga  – Pinoy Weekly


Ngayong Panagbenga Festival, dagsa na naman ang mga turista sa Baguio City para mamasyal at tumikim ng masasarap na pagkain.

Ipinagdiriwang ang Panagbenga sa buong buwan ng Pebrero hanggang ikalawang araw ng Marso. Dito, bida ang naggagandahang mga bulaklak at malamig na simoy ng hangin.

Nitong Peb. 1, muling binuksan ang The Baguio Blooms: Market Encounter sa Juan Luna Drive sa Burnham Park. Bukas ito mula 8 ng umaga hanggang 11 ng gabi araw-araw hanggang Mar. 2.

Para sa mga turistang gustong bumili ng mga souvenir bago umuwi, swak ang pamilihang ito para sa kanilang badyet.

Bubungad sa unang bahagi ang samu’t saring paninda gaya ng mga alahas, damit, lokal na produkto, palamuti, pampasuwerte, mga pampasalubong, at iba pa. Tiyak na hindi mauubusan ng pagpipilian ang sinumang mamimili rito dahil sa dami ng naggagandahang paninda. 

Iba’t ibang paninda sa The Baguio Blooms: A Market Encounter. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

“First time naming pumunta rito [Baguio]. Nakakatuwa kasi sulit na sulit yung pagpunta namin,” ani Terrence Aranda, isang turista mula sa Maynila.

Tampok rin dito ang mga tradisyonal na kasuotan ng mga taga-Kordilyera na maaaring bilhin at magpakuha ng retrato habang suot ito. Ang ilan sa mga ito ay ang baku (Benguet vest), tangkulo (palamuti sa ulo), tapis, at wanno (palda).

Ang mga kasuotang ito ay mayaman sa kultura at kasaysayan dahil sinisimbolo nito ang kanilang pagkakakilanlan, paggalang sa kanilang mga ninuno at ang kanilang koneksiyon sa kanilang pinanggalingang komunidad.

Karaniwang gawa ang mga damit sa mga natural na materyales gaya ng abaca at bulak na dumaan sa mususing proseso ng paghahabi bago ito maging matibay na kasuotan. Sa Panagbenga, buhay na buhay ang selebrasyon ng kultura.

“Actually, I really like [Baguio Blooms] kasi yearly ko ‘tong nakikita,” sabi ni Joyce Mina, isang residente sa lungsod. “Good hangout place rin ito for me and for my friends after class.”

Kapag nakaramdam ng gutom sa gitna ng pamimili, dumiretso lang sa paglalakad at agad na bubungad ang iba’t ibang kainang tiyak na magpapabusog sa mga sikmurang natatakam.

Tampok rito ang mga pagkaing Ilocos Empanada at Miki Batac na parehong nagmula sa kusina ng mga Ilocano. Kilala ang lungsod bilang bagsakan ng mga sariwang gulay, kaya hindi nakakapagtakang sariwa ang bawat sahog sa bawat panindang mga pagkain. 

Hilera ng mga kainan sa The Baguio Blooms: A Market Encounter. Alexis Aubrey Asalil/Pinoy Weekly

Kung dudungaw, harap-harapang makikita ang paggawa sa Ilocos Empanada mula sa paghalo ng mga sahog nito hanggang sa pagrito sa kumukulong mantika.

“Grabe, muntik na ‘kong mapaso nung kinagat ko yung empanada… masarap, sariwang sariwa,” kwento ni Jonalie de Guzman, isa pang turista mula sa lungsod ng Quezon.

Kasama rin sa pagpipilian ang ilang mga pagkaing galing sa Asya gaya ng crispy enoki mushroom, mandu, takoyaki, tteokbokki, atbp.

Aakalain mong nasa Japan o South Korea ka habang kumakain dahil sa lamig ng klima sa lungsod.

Kung may pagkain, hindi pwedeng mawala ang masasarap na panulak. Tampok rito ang samu’t saring mga inumin. Nandyan ang flavored milk tea, frappe coffee, fruit juice at fruit shake. Kabilang ang avocado, mangga, at strawberry sa mga flavor ng fruit shake at juice na tinatangkilik na ng marami.

Sa unang higop sa mga panulak na ito, maghanda dahil dodoble ang lamig mula sa kapaligiran at sa mga inumin.

Ngayong amihan, karaniwang nasa 13 degrees Celsius ang pinakamalamig habang nasa 23 degrees naman na ang pinakamainit. 

Bukod sa mga turista, maraming residente at mga estudyante rin ang pumupunta rito para magpalipas ng oras at kumain.



Source link