Nagprotesta sa labas ng Sandiganbayan sa Quezon City nitong Peb. 24 ang mga martial law survivor para kondenahin ang muling pagbasura ng Sandiganbayan sa kaso ng nakaw na yaman ng mga Marcos.
Sabi ng Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (Carmma), kasuklam-suklam ang pagpapawalang-sala ng naturang korte sa mga Marcos dahil lantad naman ang pagnanakaw ng mga ito sa kaban ng bayan noong panahon ng batas militar at maraming desisyon na mula sa mga internasyonal na hukuman ang nagpapatunay nito.
Ibinasura ng Sandiganbayan ang civil case na isinampa ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) dahil sa kawalan ng aksiyon ng prosekusyon sa nagdaang apat na dekada.
Tumutukoy ang kaso sa ilegal na pagbili ng mga Marcos ng mamahaling sasakyan na nagkakahalaga ng $121,403 sa pamamagitan ni Fernando Timbol, dating photographer ng Malacañang noong panahon ng diktadura.
Ito na ang ikasiyam na kasong ibinasura ng Sandiganbayan at Supreme Court simula nang maupo sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Maliban sa siyam na kaso, may hindi bababa sa anim pang kaso laban sa mga kroni ng pamilyang Marcos ang ibinasura ng Sandiganbayan.
“Lumalabas na ang isa sa mga pangunahing layunin ni Marcos Jr. nang siya ay maupo sa pagkapangulo ay matiyak na mapapanatili nila ang kanilang mga nasamsam na yaman at magdagdag ng higit pa rito ngayong maraming isyu ng katiwalian ang idinidikit sa kasalukuyang adminstrasyon,” sabi ng Carmma.
Para kay martial law survivor at Carmma convenor Danilo dela Fuente, magpapatuloy ang kanilang paglaban hanggang makamit ang hustisya at mapanagot ang mga Marcos sa kanilang korupsiyon at pagnanakaw sa bayan, paglabag sa karapatang pantao, at pagpapahirap sa mga Pilipino.
“Principally, ‘yong katarungan at hustisya [ang pinaglalaban namin], secondary sa amin ‘yong pera. Kaya nga hanggang ngayon, 76 years old na ako, nagpapatuloy pa rin sa laban,” ani dela Fuente.
Nanawagan si dela Fuente at ang Carmma sa mamamayang Pilipino na patuloy na kumilos para singilin ang mga Marcos at labanan ang kawalang pananagutan.
