Kabi-kabilang batikos ang inabot ni Ferdinand Marcos Jr matapos ianunsyo ang plano niyang pagbisita sa United Kingdom para dumalo sa koronasyon ng hari ng UK na si Charles III sa darating na Mayo 6. Ayon sa grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), ang paglalamyerdang ito ni Marcos Jr ay walang kahit anumang silbi sa ma
mamayang Pilipino.
Giit ng Bayan, dapat ipaalam ng Malacañang kung magkano ang gagastusin dito dahil magmumula ito sa buwis ng bayan. Dapat din umanong isapubliko kung sinu-sino ang isasama ni Marcos Jr sa pagpunta niya sa UK at kung saan-saan tutuloy at anu-ano ang gagastusin ng delegasyon. “Hayaan niyong ang taumbayan ang humusga kung nararapat ba itong gastusan,” pahayag ng grupo.
Patutsada pa ng grupo, “gamitin sana ni Marcos ang Semana Santa at taunang bakasyon niya para magnilay kung tama bang gagastos sila ng milyones para sa isang seremonya na pwede naman nilang panoorin sa TV.”
Ito ang ika-10 bansa na pupuntahan ni Marcos Jr sa gitna ng matinding ekonomikong krisis na kinasasadlakan ng bansa. Naglamyerda na siya kasama ang pamilya at malalapit na masugid na tagasuporta sa Singapore, Indonesia, United States, Cambodia, Thailand, Belgium, China, Switzerland at Japan.