Pinalawak na naman ang saklaw ng Value Added Tax (VAT). Noong Oktubre 2024, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12023, isang batas na nagpapataw ng 12% value-added tax (VAT) sa lahat ng digital services sa Pilipinas. Kasama rito ang mga ginagamit nating mga app at serbisyo—mula Netflix at Spotify, hanggang Canva, Upwork, Shopee, at Google Drive. Simula Hunyo 2, 2025, mararamdaman na natin ang epekto nito: mas mahal ang subscriptions, mas mataas ang singil sa serbisyo, at mas lumiit na kita para sa freelancers.
Pero kanino nga ba talaga ang buwis na ito?
Hindi na bago sa mamamayan ang buwis. Matagal nang pinapasan ng karaniwang Pilipino ang VAT sa kuryente, tubig, pagkain, gamot, at iba pa. Ngayon, pati digital services—na bahagi na ng araw-araw na trabaho at kabuhayan ng milyon-milyon—ay bubuwisan pa.
Sabi ng gobyerno, “pantay-pantay” na raw dahil pati mga dayuhang kompanya ay saklaw na ng buwis. Pero sa totoo lang, ipapasa lamang ng mga kompanyang ito ang VAT sa mga konsyumer at manggagawa. Mas mahal ang subscription sa Netflix? Mas mataas ang cut ng Upwork? Mas mabigat ang bayad sa delivery? Tayong mamamayan ang sisingilin sa bawat sentimo.
Ayon sa batas, bahagi ng kikitain mula sa digital VAT ay ilalaan daw sa pagpapatupad ng Philippine Creative Industries Development Act (RA 11904). Pero kaninong “creative industry” ang tinutukoy nito?
Sa halip na itaguyod ang karapatan ng mga manggagawang pangkultura, ang batas ay nakatuon sa pagpapalago ng negosyo at kapital, hindi sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga manggagawa. Magmamahal ang mga tools of the trade ng mga creative workers at freelancers gaya ng Adobe, Canva, Procreate, atbp.
Habang binubuwisan ang mga freelance at creative workers, wala pa ring malinaw na proteksyon laban sa kontraktuwalisasyon, walang benepisyo, at walang pagkilala sa kanilang karapatan bilang manggagawa. Ang talento at likhang-sining ng mga Pilipino ay inilalako bilang investment opportunity sa mga dayuhang kapitalista. Samantala, ang mismong mga artist at manggagawa ay nananatiling lunod sa buwis, nagtataasang presyo, at kawalang-seguridad sa trabaho.
Habang binubuwisan ang maliliit, ligtas sa pananagutan ang malalaking kapitalista. Sa loob ng PEZA (Philippine Economic Zone Authority), patuloy ang pagbubukod sa pagbubuwis ng mga korporasyong dayuhan. Mas pinapasan pa ng lokal na freelancer ang buwis kumpara sa mga banyagang investor.
Hindi na dapat palampasin ang ganitong kalakaran. Sa harap ng bagong VAT sa digital services, kailangang manindigan ang freelancers, artists, musicians, film workers, designers, content creators, at consumers. Dapat tanggalin na ang value added taxes, imbis na palawakin pa ang sakop nito.
Kung sinsero ang gobyerno sa sining at kultura, hindi ito dapat maging dahilan ng dagdag buwis kundi ng dagdag proteksyon. Kung buwis ang pag-uusapan, ang dapat singilin ay ang mayayamang korporasyon at dayuhang negosyante—hindi ang maliliit na manggagawa at konsyumer.At higit sa lahat—bakit tayo magbabayad ng bagong buwis kung ang lumang buwis ay nanakaw lang din? Sa isang bansang biktima ng malawakang korapsyon, ang dagdag na buwis ay dagdag lang sa mananakaw ng iilang nasa kapangyarihan.