ni Mary Grace Cortez
May mga uri ng sasakyang dumaraan at lumilipas. May mga sasakyang sumusunod sa agos ng modernisasyon. Makabago, malamig ang aircon, walang palamuti. Pero may isang uri ng sasakyang hindi lamang dumadaan sa mga kalsada. Sa bawat nitong hinto, may buhay kang masusulyapan. Sa bawat andar ng makina, may kasaysayang isinasabuhay.
Ang dyipni, ang tradisyunal na hari ng kalsada.
Ngayon, habang unti-unti na silang itinataboy ng tinatawag na modernisasyon, tila unti-unti ring nauupos ang apoy ng isang pilas ng kulturang matagal nang bahagi ng araw-araw na buhay ng Pilipino. Bago tuluyang mapawi ang kulay nilang hatid, ating balikan ang sagisag na minsang nataguriang hari ng ating mga lansangan.
Mga Hari ng Araw-Araw
Sa dyipni natin nakakasalamuha ang iba’t ibang tao: estudyante, manggagawa, nanay, lolo, vendor. Lahat, sabay-sabay na uupo, magdidikitan ng siko, magpapasahan ng bayad, at sa kahabaan ng oras, magiging bahagi ng isang paglalakbay.
Ang timon sa biyaheng ito ang libu-libong tsuper na nagtitiis sa init, trapiko at kakulangan sa kita. Tulad ni Mang Rolando, 65 taong gulang, at 34 taon ng namamasada. Sa isang saglit ng panayam, may bigat ang kanyang sinabi:
“Wala. Tambay na lang kami […] hindi na kami makakasabay sa mga modernong dyip, wala kaming pambili.”
Isang linya, pero puno ng pangambang karaniwan sa marami pang tsuper na katulad niya—mga ama, lolo, at kuya ng lansangan na ang kinabukasan ay tila walang kasiguraduhan.
Kinabukasan, nakita kong tumirik ang kanyang dyip sa gitna ng daan. Pero ang hindi ko inaasahan—walang umalis na pasahero. Sa halip, kusa silang nagtulung-tulong upang itulak ang dyip ni papunta sa gilid ng daan. Wala akong nakitang nagreklamo o nainis, tanging malasakit.
Sa tagpong ganito, hindi lang dyip ang nakita ko. Nakita ko ang tahimik na pagkakapit-bisig ng mga taong nasa iisang kalagayan. Sa gitna ng usok at init, sa sandaling pagka-abala, doon madalas makita ang pakikipag-kapwa.
Pag-aya, Paghatid, at Pagsundo
Sa araw-araw, patuloy ang biyahe. Patuloy ang pag-aya ng tsuper sa mga pasaherong kahit hindi na kailangang pumapara. Patuloy ang pagtigil sa mga kanto para ihatid ang mga may nais puntahan.
May mga pasaherong bumababa sa gitna ng masikip na trapiko, may ilang paatras maglakad sa loob ng dyip para makababa. May mga grupong sabay-sabay na naghihintay ng masasakyan, nagsisiksikan sa masikip ngunit mapagkalingang espasyo.
Sa bawat hinto at galaw ng dyip, may kwentong nangyayari. Tahimik man o hindi, ito’y bahagi ng araw-araw na drama ng lungsod.
“Ma’am, sakay na po kayo,”wika ng ilan sa akin, may bahagyang ngiti na nagbabakasakali.
Kulay, Disenyo, at Pananampalataya
Ang buhay ng hari aking inilalarawan ay kapwa kilos at anyo. Bawat dyip ay may disenyo. Minsan simpleng pangalan lang ng anak, minsan larawan ng Sto. Niño, minsan mga salitang “God Willing” o “In Jesus’ Name.”
Bilang bata, iniisip ko: Sino si Tracy? Sino si Jeffrey? Palamuti lang daw, sabi ng ilan. Pero sa akin, sila ang kaluluwa ng dyip. Parang bawat sasakyan ay may sariling katauhan, sariling kwento, sariling paniniwala.
Sa ngayon, bihira na ang mga dyip na may makukulay na guhit. Unti-unting nawawala ang mga cartoon character, ang mga larawan ng hindi mo kilalang mukha, at ang kombinasyon ng pananampalataya at personal na alaala. Maaaring sa probinsya, buhay pa ito. Pero dito sa lungsod, mayroon pa namang ilang natitira.
Kaya sa tuwing nakakakita pa ako ng ganitong dyip, parang bumabalik ang alaala ng noon—noong ang kalsada ay parang gallery ng sining at panata.
Princess Passenger
Sa lahat ng bahagi ng kaharian, may isang trono akong gustong-gustong upuan: ang upuang katabi ni Manong. Dito ko nakikita ang kanyang mga gamit: ang barya niyang kinita sa maghapong pamamasada, ang panukling mga singkwe-singkwenta, ang mga karatula na isinabit niya kaninang umaga, ang rosaryo niyang nakasabit sa rear-view mirror.
“Princess passenger” ang tawag ng ilan sa nakaupo roon. Sa puwestong ito, parang prinsesa nga ako—hindi kailangan makipagsiksikan, hindi inaabot ang bayad, at may salamin kung saan ko minsang nasisilip ang sarili.
Ang totoo, ang tunay na prinsesa ng mga tsuper ay hindi ang mga katabi nila sa byahe, kundi ang mga anak nilang pinag-aaral, pinagtitiyagaang itaguyod. Tulad ni Mang Rolando, na sa kabila ng pagod at hirap, ay napagtapos ang anak sa kolehiyo sa pamamasada.
Sa trono ng dyip, hindi korona ang suot kundi pawis, panalangin, at paninindigan.
Hindi Pa Huling Biyahe
Ang dyip ay hindi lang sasakyan. Isa itong alaala, tagpuan, tahanan, at panata. Ang pagkawala nito ay hindi lang pagkawala ng gulong at bakal. Ito ay pagkalagas ng isang kulturang ugat ng maraming buhay.
Hindi tayo tutol sa pagbabago. Pero sa anumang pag-unlad, kailangang kasama ang mga taong pinaka-apektado. Ang mga tsuper. Ang mga pasahero. Ang mga araw-araw na bahagi ng kaharian ng kalsada.
Hangga’t may isa pang dyip na bumabaybay sa lansangan, hangga’t may isang drayber na may hawak pa ng manibela, hangga’t may isang pasaherong handang tumulak kaysa tumiwalag, hindi pa ito ang huling biyahe.
Hindi pa natatapos ang kuwento. Sa likod ng bawat makina at pintura, ay may bayang patuloy na lumalaban, umaasa, at naglalakbay.
Hanggat may naghihintay, may sasakay at may handang magmaneho, hindi pa tapos ang biyahe ng mga hari ng kalsada. #