ni Piolo Cudal
Alas singko y medya na ng hapon, simpleng araw ng Sabado
Katatapos lang din naming kumain ng hapunan nila Mama
‘Yong isa kong kapatid nagsimula na ring maghugas ng platong ginamit namin
Tinulungan siyang magpunas at magsalansan ng bunso kong kapatid
Habang ako, inakas ko naman ‘yong mga sinampay namin para matupi at maisilid na rin sa bag ni Mama
Ganito naman parati, toka-toka kami para maraming matapos na gawaing bahay
Tsaka para rin makapaglaro na kami nila Mama
Tuwing sasapit kasi ang alas sais, palagi siyang nagyayayang maglaro ng paborito niyang tagu-taguan
Nakakatawa nga, kasi madalas si Mama ‘yong taya, pero siya rin ang naghahanap ng matataguan namin
Hindi ba ang daya no’n? Hindi bale
Una niyang tinago ‘yong bunso namin, doon sa bahay nila Aling Bebang
Habang kaming dalawa ng isa ko pang kapatid, sa aparador niya naman itinago
Bago ko pa man tuluyang maisara ang pintuan ng aparador, nakita ko na naman sa siwang si Papa
Nalagot na dahil mukhang nahuli na naman si Mama sa kaniyang pagiging tuso,
Tahasan kasi ito kung magbilang
Hawak na naman tuloy siya ni Papa sa ulo habang pareho silang nakaharap sa pader
Nakakasabik, mukhang sumali na naman yata si Papa
Masaya naman siyang kalaro, kakaiba rin ang paraan niya ng pagbibilang
May kasamang kalabog
At kung minsan kasama ang hinugot na sinturong paulit-ulit niyang pinapatunog.