Mga Bayani ng Kalsada – Kodao Productions


by Mikaelah Panopio

Sa kahabaan ng Binondo, Manila, makikita ang hile-hilerang karitong naglalaman ng samu’t saring produkto. Mayroong nagtitinda ng prutas, gulay, street food at inumin. Naroon din ang mga nagbebenta ng pampasuwerte, damit, at iba pang palamuti.

Nanay Dolly

Isa si Nanay Dolly sa nagbibigay buhay at kulay sa Ongpin Street. Ang kanyang mga panindang saging at pakwan ay kaaya-ayang tignan dahil sa matitingkad nitong kulay na dilaw at berde.

Taong 2004 nang pumasok sa pagtitinda si Nanay Dolly. Una niyang ibinenta ay kape at sigarilyo, sumunod ay castañas, at sa huli’y naging prutas ang kaniyang paninda.

Sa kabila ng dalawampung taong karanasan sa pagtitinda, patuloy pa rin na hinaharap ni Nanay Dolly ang iba’t ibang hamon.

“Pahirap nang pahirap. Lalo ngayon siyempre, sasabihin nila, ‘Nasa kalsada kayo, tumabi kayo.’ ‘Pag umalis, walang benta. Atsaka pahirap ng pahirap talaga kasi mahal ang puhunan, ang hirap itaas rin ng presyo. ‘Yun ang pagsubok ng vendor.”

Nang tanungin kung anong nagtutulak kay Nanay Dolly upang magtrabaho sa kalye sa kabila ng init at pagod, sinabi niya, “Numero uno, pera. Siyempre, pangkain ng mga bata, pambayad ng bahay, pambayad ng kuryente, tubig, at school. ‘Yan talaga.”

Kuya Ajin

Sa kabilang banda naman ng Ongpin Street ay may maaamoy kang masarap na aroma ng mani at bawang. Ito ay nagmumula sa kariton ni Kuya Ajin, isang peanut vendor.

Labindalawang taon nang vendor si Kuya Ajin. Sa kaniyang kariton, maayos na nakalatag ang iba’t ibang klase ng mani tulad ng adobo, spicy, matamis, at skinless. Bukod dito, mayroon rin siyang binebentang crispy dilis at muncher.

Nagsimulang magtrabaho si Kuya Ajin noong siya’y dalawampu’t isang taong gulang.

“Sa sobrang hirap ng buhay tapos mahirap din ang magulang, ‘di na lang nag-aral. Nagtrabaho na lang.”

Isa sa mga dahilan kung bakit napili ni Kuya Ajin ang ganitong klaseng trabaho ay dahil sa hilig niyang magluto. Dahil dito, madali nalang para sa kanya ang paghiwa at pagprito.

Matindi man ang init ng panahon, maging ang buga ng mantika mula sa kaniyang lutuan, hindi ito hadlang para tumigil siya sa pagtitinda.

“Para sa mga anak, para hindi magutom.”

Ate Elma and Ate Rosalie

Sa dami ng tao at aktibidad sa Maynila, sandamakmak na kalat ang naiipon sa paligid. Sa pagtatapos ng araw, ang mga balat ng saging at mani, kasama ang iba pang kalat, ay kailangang linisin. Dito pumapasok ang mga tahimik na bayani ng ating kalsada: ang mga street sweeper.

Makikita ang tambalang Ate Elma at Ate Rosalie na masipag na nagwawalis sa kahabaan ng Quezon Boulevard sa Quiapo. Tulak-tulak ang kanilang karitong laman ang basurang tinipon, maigi nilang nililinis ang bawat sulok ng lugar.

Nagsimulang magtrabaho si Ate Rosalie bilang street sweeper taong 2014, habang si Ate Elma naman ay noong 2019.

“Kaysa nakatulala ka sa bahay, magwalis ka na lang. Kahit papaano, na-eenjoy naman ang buhay.” sabi ni Ate Rosalie.

Maliban sa ulan at init bilang pagsubok, ibinahagi ng dalawa na nakakaharap din sila ng mga taong hindi maganda ang pakikitungo sa kanila.

“May mga costumer na bigla ka nalang tatapunan, tatalsikan.” paliwanag ni Ate Elma.

“Kailangan mahaba rin ang pasensya mo.” dagdag naman ni Ate Rosalie

Subalit kahit ganoon, patuloy pa rin silang kumakayod para sa pamilya at pera.

“‘Pag wala kang pera, ang hirap eh.”

Araw-araw na panawagan

Ang bayang Pilipinas ay nabuo, binubuo, at patuloy na bubuuin ng dugo’t pawis ng mga marangal at masisipag na manggagawa tulad nila Nanay Dolly, Kuya Ajin, Ate Elma, at Ate Rosalie.

Kaya naman hindi dapat limitado o natatapos lamang sa ika-1 ng Mayo ang pagkilala sa mga uring manggagawa.

Ang mga panawagan para sa pagtiyak ng kanilang karapatan, pagtaas ng sahod, at pagkakaroon ng makataong kondisyon sa trabaho ay nararapat na isulong araw-araw. #



Source link