Uncategorized

CBCP, nanindigan sa katarungan, pananagutan – Pinoy Weekly

CBCP, nanindigan sa katarungan, pananagutan – Pinoy Weekly


Tumindig para sa katarungan at pananagutan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa isang liham pastoral na inilabas nitong Hul. 8. matapos ang ika-130 asambleya plenarya ng mga obispo ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.

Kabilang sa mga usaping tinalakay sa liham ang karahasan sa Gaza, makatarungang pasahod at dignidad sa paggawa, at impeachment para sa pananagutan at mabuting pamamahala. Nanawagan din ang mga obispo sa sambayanang Pilipino na magkapit-bisig at maging mapagbantay para sa isang makatarungang lipunan.

Mayor sa liham na nilagdaan ni CBCP president at Kalookan Bishop Cardinal Pablo Virgilio David ang panawagan sa katarungan para sa mga mamamayang nakararanas ng ‘di makataong pagtrato, lalo na sa mamamayang Palestino na patuloy na dinadahas at mga manggagawa sa Pilipinas na kinakapos sa arawang sahod.

“Higit na nagdurusa ang mga inosente,” ayon sa liham sa wikang Ingles patungkol sa kagutuman sa Gaza dulot ng pagharang ng Israel sa ayudang pagkain at iba pang suplay.

Sinabi rin ng mga obispo na kailangang tiyakin ang nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho ng bawat obrerong Pilipino upang makamit ang disenteng pamumuhay ng bawat pamilya.

Marapat anila na maging ehemplo ang Simbahang Katolika sa pagbibigay ng patas na pasahod, karampatang benepisyo at makataong trato sa mga manggagawa sa mga institusyon ng simbahan.

Nababahala naman ang mga lider-simbahan sa pagkabalam ng paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte. Anila, naninindigan ang simbahan na katotohanan at katarungan ang hangarin ng impeachment na isang lehitimong demokratikong mekanismo para sa pananagutan.

Sa mga magkakahiwalay na anunsiyo, isinapubliko ng CBCP ang mga bagong halal na opisyal nito na manunungkulan mula Dis. 1, 2025 hanggang Nob. 30, 2027.

Bagong halal na pangulo si Lipa Archbishop Gilbert Garcera na papalit kay David sa pagtatapos ng kanyang ikawala at huling termino.

Si Zamboanga Archbishop Julius Tonel ang bagong pangalawang pangulo at Palo Archbishop John Du ang bagong ingat-yaman, habang si Msgr. Bernardo Pantin ng Archdiocese of Palo ang bagong pangkalahatang kalihim.

Naghalal din ang mga obispo ng mga mamumuno sa mga episkopal na komisyon, komite at tanggapan. Nangyari ang halalan sa unang araw ng asambleya plenarya nitong Hun. 5. sa Anda, Bohol.

Binati naman ng Kilusang Mayo Uno at Student Christian Movement of the Philippines si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na bagong tagapangulo ng Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at bagong pangulo ng Caritas Philippines.

Masugid na tagapamandila si Alminaza ng mga karapatan ng mga manggagawa at mamamayan partikular sa isla ng Negros kung saan siya nagsisilbing pastol ng Diyosesis ng San Carlos sa Negros Occidental.

Ang CBCP ang tumatayong kumperensiyang episkopal ng Simbahang Katolika sa Pilipinas na kinabibilangang ng lahat ng obispo sa bansa para bumuo ng mga pagkakaisa sa mga usaping pansimbahan, pati na rin sa mga usaping panlipunan batay sa mga aral ng pananampalatayang Katoliko.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning