Sa mata ng pamahalaan, sila ay hadlang sa daloy ng trapiko at daanan ng mga tao. Sa plano ng urbanisasyon, sila ay bara sa ganda ng lungsod. Ngunit para sa mga pamilyang kailangang mapakain, mapaaral, o magamot, sila ang nagsisilbing tagapagtaguyod.
Sina Adelina Deyta at Terry Cabuñag ay ilan lamang sa mga ina na hindi lang nagsisilbing ilaw ng tahanan kundi tagapagtanggol ng kabuhayan sa gitna ng kalsada. Kabuhayan na sa bawat araw ay nahaharap sa pangambang maaaring bawiin anumang oras.
Sa gitna ng pabago-bagong panahon, pabigla-biglang klima at pabigat nang pabigat na mga patakaran, bitbit nila ang panindang bahagi na ng kanilang katawan na hinubog na ng dekadang paghahanapbuhay.
Sa mga araw na binubura ang kanilang presensya sa pangalan ng “kaayusan,” sila ay nagpapatuloy at nananatili. Hindi bilang sagabal kundi bilang patunay ng karapatang mabuhay at manindigan sa gitna ng lungsod.
Pamatid-uhaw

“May trabaho na ang mga anak ko, pero syempre dumadaing pa rin sa nanay. Syempre ang nanay talaga ganoon ang puso, mapagbigay. Hindi kayang tiisin ang anak na nagrereklamo na nanay ganito, ganiyan,” pagbabahagi ni Adelina Alvarez Deyta, manininda ng buko sa kahabaan ng Blumentritt.
Tubong Occidental Mindoro sa munisipalidad ng San Jose si Deyta. Taong 2006 nagsimula siyang lumuwas papuntang Maynila para maghanapbuhay at makatulong pa sa kanyang pamilyang naiwan sa probinsya.
Sa bahagi ng Pedro Guevarra St cor. Blumentritt Road nagtayo si Deyta ng kariton lulan ang kanyang panindang palamig na buko. Hanggang sa kasalukuyan, ito ang kanyang naging hanapbuhay para itaguyod ang kaniyang pang-araw-araw na pangangailangan habang tumutugon din sa pagpapadala sa kaniyang pamilya.
Sa P1,300 na arawang puhunan, nakabibili si Deyta ng 50 bungkos ng buko. P26 ang kuha niya kada isang piraso nito.
Mula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi nagtitinda si Deyta kasama ang iba’t ibang vendor sa Pedro Guevarra St. Aabot lamang sa P500 ang kanyang arawang kita, labas pa rito ang nagiging gastos sa pagkain.
Nagsimula ang kanyang pangamba buhat ng pagsasagawa ng mga clearing operation mula nang maupo si Francisco ‘Isko’ Moreno noong 2019. Bagamat agad siyang nagkaroon ng maliit na pwesto, malimit niyang nakikita ang ilang manininda na kumakaripas ng takbo tuwing dumadating ang mga tauhan ng Hawkers Department.
“Dati noong hindi pa talaga nagdedemolish, halos puno pa itong kalsada ng mga vendors sa Mabuhay Lane. Dati akong nakapwesto riyan sa taas ng bangketa para mas makita yong mga paninda ko. Pero wala pa rin talagang katiyakan kasi any time na gusto nila kaming palayasin dito, lalayas pa rin kami,” ani Deyta.
Bukod sa usapin sa katiyakan sa pwesto, may epekto rin sa kanilang kita ang pabago-bagong takbo ng panahon.
“Kapag ganitong medyo maganda ang panahon, okay naman ang kita. Kapag maulan, iba naman,” dagdag niya.
Binahagi rin ni Deyta na nagbabayad siya ng P30 sa kolektor ng Hawkers Department. Aniya, para raw ito sa usapin sa kalinisan.
“Okay lang naman yung ganoon basta sa ikagaganda ng kalagayan naming mga vendors,” dagdag niya.
Ayon sa ilang manininda sa Blumentritt, hindi pa uli nagkakaroon ng bagong patakaran hinggil sa bayarin sa Hawkers dahil kauupo pa lamang uli ni Moreno bilang alkalde ng Maynila.
“Sa ngayon, maayos naman ang kalagayan namin sa bangketa. Kapag may clearing, tatabi lang kami, punta sa gilid gano’n,” ani Deyta. “Para sa akin lang, kahit na nakakapagtinda rito, nandoon pa rin ang kahabagan ko sa iba na nadedemolish ang hanapbuhay. Syempre nagugutom sila.”
Pamatid-gutom

Ganito rin ang sentimyento ni Terry Cabuñag, manininda ng takatak sa Quiapo.
Taong 1965 siya unang nagtayo ng pwesto sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Nagsimula siya sa pagtitinda ng sigarilyo hanggang sa maglaon ay nadagdagan na ito ng mga kendi, tubig, maging ng mga pamaypay, panyo at iba pang mabentang gamit lalo na’t malapit sa simbahan.

“Marami nang natulungan na apo iyan,” pagmamalaki ni Cabuñag sabay turo sa kanyang lagayan ng mga paninda.
Ngayon ay 75 taong gulang na si Cabuñag ngunit nagpapatuloy pa rin siya sa pagtitinda upang mayroong pandagdag sa kanyang gamutan para sa highblood at altapresyon.
“Kailangan ko pa ring kumita para sa pambili ko ng gamot, syempre magbibigay ka pa rin sa mga apo na nag-aaral. Tutulong ka pa rin sa kanila para makapagtapos,” ani Cabuñag.
Karaniwang nagbubukas si Cabuñag mula 9:00 AM hanggang 7:00 PM. Ngunit tuwing Biyernes hanggang Linggo, o mga araw kung saan malakas ang benta, ay nagbubukas siya mula 6:00 AM hanggang 9:00 PM.
Kung dati, marami pa ang kayang ilabas na paninda ni Cabuñag, ngunit nang magkaroon ng mga clearing operations ay kaunti na lamang ang kanyang tinitinda.
“May malaki pa akong cooler pero ganyan nalang ang nilalabas ko para hindi pansinin,” dagdag niya.
Aabot sa P3,000 ang kanyang puhunan sa kanyang mga paninda. Kung dati ay agad ding nababawi ang puhunan ngunit maswerte na siyang aabot ng P1,000 ang kinikita sa isa o dalawang araw na pagtitinda.
“Ngayon mahirap na kasi may pangamba sa clearing dahil magliligpit ka agad ng tinda mo para maagap na itakbo. Sayang naman kasi kung makuha. Kung wala na akong ititinda, wala na akong puhunan. Kung wala na akong puhunan, wala na akong pangbenta,” ani Cabuñag.
Tulad ni Deyta, nagbabayad din si Cabuñag ng P20 noon sa kolektor mula Hawkers Department. Bagamat mayroong ganitong porma ng mga bayarin ay hindi pa rin tiyak para sa mga manininda ang kanilang pwesto para sa arawang paghahanapbuhay.
“Mabuti kung bibigyan kami ng pwesto para di na maghuhulihan. Nagpapasalamat ako kung pagbibigyan kami sa pwesto namin dito. Sana gawin ito sa amin para kami ay mabuhay, kumita at mayroong panggastos,” ani Cabuñag.
