Government Services

Tanggalin ang ‘permanent ban’ kay Fides Lim – Pinoy Weekly

Tanggalin ang ‘permanent ban’ kay Fides Lim – Pinoy Weekly


Nanawagan ang grupong Kapatid sa Department of Justice (DOJ) na agarang imbestigahan ang anila’y “politically motivated and institutional harassment” ng Bureau of Corrections (BuCor) sa kanilang tagapagsalita na si Fides Lim.

Noong Mayo 25, hindi pinayagang makapasok si Lim sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City para dalhan ng pagkain ang bilanggong politikal na si Rona Degaso na inilipat mula sa Negros Occidental.

Ayon sa ulat, pinatawan si Lim ng “permanent ban” sa mga pasilidad ng BuCor. Nakita rin ang larawan ni Lim na may nakalagay na “banned” sa tarangkahan ng nasabing kulungan.

Pinaratangan ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. si Lim na hindi sumusunod sa mga panuntunan sa seguridad at ng “unruly behavior.”

Isang buwan bago ang pagharang kay Lim sa CIW, nadalaw pa niya si Degaso. Hiniling din ni Degaso na isama ang pangalan ni Lim sa listahan ng mga maaaring dumalaw sa kanya dahil wala siyang kamag-anak sa Metro Manila.

Sa liham ni Lim kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong Hul. 8, iginiit niya ang patas na imbestigasyon, pagtatanggal sa kanyang larawan sa tarangkahan ng pasilidad, pagbawi ng “permanent ban” sa kanya na makadalaw at panagutin ang mga opisyal ng BuCor, lalo na si Catapang, sa aniya’y “misuse of public authority to intimidate and silence humanitarian action.”

Ayon kay Lim, sumusunod siya at ang Kapatid nang maayos sa mga panuntunan ng mga piitan tulad ng pormal na paghingi ng pahintulot, inspeksiyon at frisk search bago dumalaw sa mga piitan ng BuCor, maging sa mga pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology na nasa ilalim ng Department of the Interior and Local Government.

Madalas dumalaw si Lim at ang grupong Kapatid, na binubuo ng mga pamilya at kaibigan ng mga bilanggong politikal, sa mga kulungang nasa ilalim ng BuCor tulad ng CIW at New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City para maghatid ng pagkain, bigas, gamot, sabon at iba pang pangangailangan.

Naitala rin ng grupo ang ilang mga pagkakataon na iniipit at hindi pinahintulutan ng mga tauhan ng BuCor na maipasok ang mga dala ng Kapatid para sa mga bilanggo ng NBP.

“Hindi ako kriminal, hindi rin ako nagpapasok ng kontrabando. Ang tanging layunin ko ay umalalay sa mga bilanggong politikal, lalo na ‘yong walang kaanak na nasa malapit, at matulungan sila na mabuhay nang may dignidad [sa loob ng piitan],” ani Lim na asawa rin ni Vicente Ladlad, bilanggong politikal at peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines.

Panahon ng batas militar ni Ferdinand Marcos Jr. nabuo ang samahang Kapatid, pero hindi naging aktibo pagkatapos nito hanggang sa mismong si Lim ang bumuhay sa organisasyon noong 2018. Madalas abala si Lim sa koordinasyon sa pangangailangan ng iba’t ibang bilanggong politikal sa bansa at nakilala na ng BuCor bilang pangmalagiang tumutugon sa kanila. 

Kinondena naman ng iba’t ibang organisasyon ang ipinataw na “permanent ban” ng BuCor kay Lim.

“Ang pag-ban kay Fides Lim ay makasasama sa mga interes ng mga bilanggong politikal at iba pang persons deprived of liberty na kanyang pinaglilingkuran at marapat ang agarang pagtatanggal nito para sa kanilang kapakanan,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Dagdag pa ni Palabay, hindi katanggap-tanggap na habang aminado ang BuCor sa kanilang kakulangan para tugunan ang pangangailangan sa maayos at masustansiyang pagkain ng mga bilanggo ay tinatakot at hinaharang naman ng ahensiya ang mga nais mag-abot ng tulong.

Para naman sa Center for Trade Union and Human Rights (CTUHR), paglabag sa karapatan ni Lim at ng mga bilanggong politikal ang mga aksiyon ng BuCor.

Malaon nang tinututulan ni Lim at iba pang tanggol-karapatan ang strip and body cavity search sa isang saradong cubicle na walang saksi bago makadalaw sa mga bilangguan. Itinuturing ito ng mga tanggol-karapatan na paglabag sa karapatan ng mga taong nais makadalaw sa mga bilanggo.

Nakasaad sa Mandela Rules na magsasagawa lang ng ganitong klaseng “intrusive searches” kung lubos na kinakailangan at dapat itong isagawa ng isang kuwalipikadong health care professional o isang tauhang may medikal na pagsasanay.

Ayon pa sa CTUHR, nilalabag din ng BuCor ang karapatan ng mga bilanggo na tumanggap ng bisita na malinaw na nakasaad sa United Nations Basic Principles for the Treatment of Prisoners.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning