Uncategorized

Hawak ni Sunshine ang mundo sa pusod ng siyudad – Pinoy Weekly

Hawak ni Sunshine ang mundo sa pusod ng siyudad – Pinoy Weekly


Sa isang bansang bansot ang sistema sa mga kababaihan, nabubuhay si Sunshine sa mga pagitan ng kanyang espasyong ginagalawan. 

Umiinog ang bagong pelikula ni Antoinette Jadaone sa karakter na si Sunshine (Maris Racal), isang gymnast, sa kanyang pakikipagsapalaran para maabot ang kanyang pangarap na makapasok at magtanghal sa Olympics.

Liban sa nakapupukaw na pagpoposisyon kay Sunshine at pagbuo ng imahen sa bawat eksena matapos niyang malaman na buntis siya, interesante rin ang naging depiksiyon ng espasyong ginagalawan ni Sunshine. Hindi na lang ito basta espasyo kung saan nangyayari ang mga tagpo, kundi batbat at tereyn na rin ng tunggalian sa pagitan ng mga kontradiksiyon.

Ginagalugad ng pelikula ang natatanging kontradiksiyon na mayroon ang Maynila, lalo na ang Quiapo. Sa gitna ng mga ingay, sa malawak na simbahan, sa gilid at kabuuan ng lugar na ito nananahan ang mga tinatanaw ng batas at simbahan bilang sagka sa mandato at utos ng natural na daloy ng buhay.

Niyayakap ng espasyo ang mga kontradiksiyon habang binibigyang-kapangyarihan ng mga institusyon gaya ng simbahan at medisina, ang mapaniil na cisheteropatriyarkal na sistema.

May itinatagong humaling ang ikalawang gabing tagpo sa pelikula, kung saan sumusuot at lumilingkis si Sunshine sa bawat sulok ng makipot na eskinita ng siyudad.

Hinahabi ng tagpong ito hindi lang ang lunas sa maaaring pag-udlot ng kaniyang pangarap—ito ang gabi kung saan binabawi niya ang ahensiya sa kaniyang sariling pag-iral at katawan. Sa lipunang may sistemang nagnanakaw at dinidiktahan ang pag-iral ng kababaihan, nariyan ang siyudad upang pahintulutan ang lahat-lahat sa kabila ng mga salungat. 

Karakter na rin ang siyudad na ginagalawan ni Sunshine. Hinuhubog nito ang lahat ng kanyang pangamba. Nagsilbing kanlungan ang Maynila sa kanyang pakikipagtunggali sa bagabag na siyang dulot ng cisheteropatriyarka.

Maaari ring si Sunshine ang siyudad: siya ang ingay sa malawak na espasyo, ang simbahan na puno ng balintuna, ang lunan ng gulo, at higit sa lahat, naghahangad. Iniuugnay ang lunan bilang mahalagang bahagi ng paghubog ng katauhan ni Sunshine. 

Sa siyudad na rin na ito naipakilala sa mga manonood ang iba pang Sunshine. Dahil sa bansot na sagot ng estado sa kailangan ng mga kababaihan, napahihintulutan nito ang mga pagbubuntis kahit na bunga ito ng abuso—sa loob man ng tahanan o hindi.

Para sa mga kagaya ni Sunshine, sentensiya ang magbuntis, hadlang ito sa mga pangarap na gusto nilang abutin. Ngunit para sa patriyarka, mahalagang kahingian ito upang mapanatili ang hegemonya at herarkiya ng kapangyarihan sa pagitan ng kalalakihan at iba pang kasarian. Isinasantabi sa ganang ito ang kapangyarihan ng kababaihan sa kanilang sariling pagpapasya sa katawan at kalusugang reproduktibo.

Habang patuloy na umuunlad nang paurong ang sistemang pangkalusugan sa Pilipinas, dala ng konserbatismo, kasabay na nalulugmok ang kondisyon ng kababaihan sa lahat ng aspekto at napipilitang sumangguni sa alternatibong moda—ligtas man ito para sa kanila o hindi—ang mahalaga, lalo na para kay Sunshine ay makawala sa gapos na humahadlang para maabot niya ang kanyang pangarap. 

Batbat din ng kontradiksiyon ang mismong pelikula, habang isinisiwalat nito ang kabalintunaan ng estado sa pagsagot nito sa pangangailangan ng kababaihan, binigyang boses din nito ang siyang puwersang sumisikil sa ahensiya ng mga kababaihan na magpasya sa kanilang katauhan.

Nagkaroon ng manipestasyon ang nasa sinapupunan ni Sunshine, maging ang batang dala-dala ni Menggay, isang 13 taong gulang na inabuso ng kaniyang tiyuhin.

Kung iisipin, pagtunggali rin ito sa moralidad na pilit na ipinapakain lalo na sa mga kagaya ni Sunshine. Nagsilbi itong paghamon sa internal na suliranin ni Sunshine na siyang naglalagay sa kaniya sa pagitan.

Kung ipapalaglag niya ang bata, puwede siyang makulong. Kung isisilang niya ito, katakot-takot na hirap ang sasapitin ng kanyang anak, lalo pa’t walang kuwenta ang ama nito na madaling nakatakas sa kamay ng responsibilidad.

Nag-iiwan ng tanong ang kuwestiyonableng paghamong ito sa mga manonood: Paano sisisirin ng kababaihan ang kanilang pag-iral sa gitna ng lipunang inilalagay sila bingit?

Dagdag pa rito, naging moda rin ito ng paglirip ni Sunshine sa kaniyang desisyon. Inuusig nito ang kabuuan ni Sunshine bilang karakter, kahit pa sigurado na siya sa umpisa pa lang na magpalaglag at hindi maging ina.

Dahil sa pagitan ng agam-agam nahanap ni Sunshine ang depinitibong pagpapasya na magpapalaglag kaysa piliin ang isang bagay na hindi pa siya handang maging sa panahon kung saan nalulugmok ang espasyong kaniyang ginagalawan at patuloy na binabalewala ang kanilang paghihirap.

Sa kabilang banda, naging kuwestiyon sa posisyonalidad ng pelikula ang pagbibigay manipestasyong ito sa isang taong hindi pa nabubuo o isinisilang.

Kung isinisiwalat ng pelikula ang mismong sistemang nagpapamandila ng mga kabalintunaan hinggil sa kapangyarihan ng kababaihan sa kanilang sariling pagpapasya, bakit ngayon binibigyang espasyo ang ‘di makatuwiran na argumento ng mga konserbatibo hinggil sa danas ng kababaihan?

Marahil, isa rin itong paglaban sa mismong wikang ginagamit ng mga konserbatibo, ang pangdidikta at panghuhusga sa kababaihang gaya ni Sunshine na gustong magpalaglag bilang mamatay-tao.

Malinaw kay Sunshine ang gusto niyang mangyari, kahit na nawawala ang linya ng reyalidad at gulong internal, sa huli’t huli, hindi totoo ang karakter na si Bata (Annika Co).

Kagyat na kahingian sa mga pelikulang kagaya ng “Sunshine” ang pagbuwag sa mga pananaw at ideolohiyang nagbibigay at nagpapanatili ng gapos sa pagdanas at pag-iral ng kababaihan sa lipunang ineetsapwera at palaging isinasantabi ang mga kagaya ni Sunshine.

Dahil kung titingnan, malaki ang kapangyarihan ng pelikula kahit na hindi nito mailiigtas ang sangkatauhan na maging lawas hindi lamang ng tunggalian kundi pati na rin ang mag-udyok ng manonood na hindi makulong sa loob ng sinehan ang mensahe at gusto nitong hamunin at panagutin.

At kung isisiwalat lang nito ang nangyayaring kabalintunaan na walang hinahaing kritikal na pagsipat sa kung paano bubuwagin, kaysa muling makulong sa siklo ng diskurso hinggil sa aborsiyon—mababaon lang ang pelikula kasama ang iba pang pelikulang tumatalakay sa mga isyung panlipunan na siyang mailap pag-usapan at bigyang oras.

Higit na pangangailangan ang pag-alpas ng diskusyon mula kay Sunshine tungo sa mas malawak na kalagayan ng pagdanas at pag-iral ng Quiapo, sa lugmok na kalagayan ng sistemang pangkalusugan, higit sa lahat, ang pag-usbong ng mga alternatibong paraan dahil bigong kilalanin ng estado ang pangangailangan ng mga kagaya ni Sunshine.

Sa huli, matalas na binigyang buhay ng “Sunshine” ang pag-iral at paghihirap ng kababaihan sa kanilang sariling ahensiya. Sa panahon kung saan pilit na inilalagay sa pagitan ang mga kagaya ni Sunshine at ng iba pang Sunshine sa siyudad, namumutawi ang kakayahan na umalpas sa hamong hatid ng cisheteropatriyarka.

Ibinibigay kay Sunshine ang mundo, hawak-hawak niya ang kaniyang sariling naratibo sa kung paano tatakbo ang kanyang buhay sa kabila ng mga kontradiksyon.

Dahil ito si Sunshine: puno ng pangarap, lumilingkis sa bawat sulok ng Maynila, handang gawin ang lahat hindi lang sa pangarap na makapasok sa Olympics kundi pati na rin ang makatakas at makawala sa sentensiya ng patriyarka.



Source link

Pinoy Weekly
Pinoy Weekly

Ang Pinoy Weekly ay pahayagang online at print na naglalathala ng mga istorya, imahe at opinyon ng mardyinalisadong mga sektor ng lipunan, kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, migrante at iba pa. Maliban sa paglalathala sa internet, naglalabas ang Pinoy Weekly ng lingguhang magasin, gayundin ang Pinoy Weekly Special Issues.

Stay Connected

The PinoyAbrod Daily Brief — in your inbox every morning