Nagmartsa ang mga nars na kasapi ng Filipino Nurses United (FNU) sa Taft Avenue sa City of Manila tungong Philippine General Hospital noong Abril 12 para ipanawagan ang pagtaas ng entry salary ng mga nars sa pampubliko at pribadong ospital tungong ₱50,000. Lumahok sa protesta ang mga nars mula sa iba’t ibang tsapter ng FNU sa buong bansa. Kasabay ng pagkilos ang paglulunsad ng kanilang pambansang kongreso.
Ayon kay FNU Pres. Maristela Abenojar, hindi nakabubuhay ang tinatanggap na sahod ngayon ng mga nars sa bansa. Sa pribadong ospital, nakapako ang kanilang sweldo sa ₱570 kada araw o ₱12,540 buwanang sweldo. Lubhang malayo umano ito sa nakabubuhay na sahod sa bansa sa harap ng sumisirit na presyo ng mga bilihin.
Paliwanag ng grupo, dahil sa napakababang sahod at hindi maayos na kundisyon sa paggawa ng mga nars sa bansa ay kumakaunti ang mga nars. Anila, mapipilayan ang sistemang pangkalusugan ng bansa dahil kumakaunti ang bilang ng mga nars. Sa datos mismo ng Department of Health, umabot na sa 350,000 ang kakulangan sa nars.
Ayon sa FNU, batay umano sa datos ng gubyerno, 316,405 o 51% ng 617,898 lisensyadong nars sa bansa ay nagtrabaho na sa ibang bayan. Tanging 172,598 o 28% lamang ang nagtatrabaho sa mga lokal na pasilidad pangkalusugan. Habang 20% ay kung hindi walang trabaho, ay kulang ang trabaho o nagtatrabaho hindi bilang mga nars.