Sa buong Asya, ang Pilipinas ang may pinakamalaking bilang ng pinapatay na tanggol-kalikasan kada taon simula noong 2012, ayon sa tala ng international organization na Global Witness.
Noong 2024, nakapagtala ang grupo ng hindi bababa sa 8 kaso ng pagpatay at sapilitang pagkawala sa bansa. Mababa man ang bilang ng naitalang mga kaso sa buong mundo sa nasabing taon kung ikukumpara sa nakaraan, “hindi ito nangangahulugan na ligtas ang mga tanggol-kalikasan,” pahayag ni Laura Furones ng Global Witness.
Patunay dito ang nararanasan ng mga katutubong Iraya sa Sitio Malatabako sa Occidental Mindoro.

“Ang mga katutubong gaya namin ay hinaharass, binabantaan, at binabansagang kalaban ng gobyerno dahil pinoprotektahan namin ang kabundukan, ilog, at aming lupang ninuno,” sabi ni Arjel Constantino mula sa Mangyan Iraya Repungpungan sa Malatabako.
Lagpas isang taon na mula nang bakuran ng Pieceland Corporation ang lupa ng mga katutubong Iraya sa Sitio Malatabako. Kwento ni Arjel, kinakamkam ng kumpanya ang kanilang lupa para sa proyektong subdivision.
“Payapa kaming naghahanapbuhay doon pero dumating ang Pieceland. Sapilitan kaming pinalilikas at tinayuan ng mga bakod ang aming lugar,” kwento niya.
Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 10 pamilya ang ikinukulong pa rin ng mga gwardya ng Pieceland, sa tulong aniya ng mga pulis at militar.
Bilang mga katutubo, nakaugat sa araw-araw na pamumuhay ng mga Iraya ang pagtatanim.
“Hindi kami makapagsaka ngayon dahil binabawalan kami ng Pieceland. Masakit na kami ay tahasang pinalalayas sa lupaing pag-aari namin. Mula pa sa aming ninuno, kami ay nandoon na.”
Maliban sa limitasyon sa paghahanapbuhay, hindi rin basta nakakapagpasok ng pang-araw araw na pangangailangan gaya ng pagkain o gamot mula nang bakuran ang kanilang lugar. Kahit daw simpleng pakikipagkwentuhan, bawal din sa mata ng kumpanya.
Dagdag ni Arjel, basta na lang pumasok ang Pieceland sa kanilang lupa kahit walang permiso mula sa kanila.
Kaya galit ang nararamdaman niya sa National Commission on Indigenous Peoples dahil sa “bulok na sistema ng pamamalakad.” Aniya, hindi prayoridad ng ahensya ang karapatan nila bilang mga katutubo.
“Sila na rin mismo ang nagbabagsak sa aming karapatan. Sila na rin mismo ang nagsasabing umalis na kami sa aming lugar dahil kami ay makakasuhan at makukulong.”
Kahit nga raw lokal na pamahalaan, hindi sila tinutulungan na igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
“Kaya lalong malakas ang loob ng Pieceland na kami ay pahirapan dahil nagkakasundo sila sa kanilang layunin na agawin ang mga lupa sa isla ng Mindoro.”
Pero malinaw daw para sa mga katutubong Iraya na may karapatan silang ipagtanggol ang kanilang lupa.
“Kahit anong gawin nilang pagpapahirap sa amin, hindi kami umaalis. Kung sila pong mga dayo ay nagpipilit na makuha at maagaw ang lupa, dapat higit pa po doon ang pagtatanggol namin sa aming sariling lugar. Dahil lehitimo kaming nakatira doon. Kung nagagalit ang Piece Land na hindi kami umaalis, mas lalong galit po kaming mga Iraya dahil kami ang inaagawan nila ng aming lupa,”

Paliwanag ni Jonila Castro ng Kalikasan-People’s Network for the Environment,” ipinapakita ng mga atake gaya nito ang namamayaning sistema ng burukrata kapitalismo kung saan ginagamit ng mga nasa pwesto ang kanilang kapangyarihan para dambungin ang kalikasan at dahasin ang mamamayan para sa kita.”
“Kaya mahalaga na kasabay ng pakikiisa ng mamamayan sa panawagan na huwag sirain ang kalikasan, kailangan nating ilantad sa buong mundo ang ginagawang pag-atake sa mga komunidad,” dagdag ni Jonila.
Para kay Arjel, “kung kailangan, talagang iaalay namin ang aming huling hininga. Dahil ang lupang ito na lang ang natitirang pag-aari na iniwan ng aming mga ninuno.”#
