Nabalitaan namin na pinatay ang rebolusyonaryong taksil na si Gringo Chan alyas Ka Greg nitong Abril 14 sa Brgy Sta. Cruz, Casiguran. Si Chan ay naging miyembro ng Bagong Hukbong Bayan sa Sorsogon noong 2013 batay sa rekomendasyon ng kababaryo niyang si Antonio Benzon ngunit dahil sa ilang ulit na hindi pagsunod sa mga patakaran at disiplina sa loob ng kilusan ay napagdesisyunan na paalisin siya at ‘di na pababalikin sa kilusan noong 2015.
Habang namumuhay siya bilang sibilyan ay patung-patong ang kanyang naging kasalanan sa mamamayan— tulad ng pagpatay sa kanyang kababaryo noong 2015, pananaga, pambubugbog, pambababae, pananakot at pangingikil gamit ang pangalan ng BHB. Dahil sa mga kasalanan niya sa mamamayan ay hinatulan sya ng parusang kamatayan ng prubinsyal na hustisyang bayan.
Taong 2018 ay pumaloob sya sa maanomalyang E-CLIP kasama si Benzon at kalaunan ay naging aktibo sa mga aktibidad ng 31st IB tulad ng “peace rally”, patipon, operasyong militar at naging bahagi ng death squad ng AFP na syang naging responsable sa mga kaso ng ekstrahudisyal na pagpatay sa mga aktibista at mga pinagbibintangang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan.
Bagamat may hatol na parusang kamatayan para kay Chan, hindi ang BHB ang pumatay sakanya kundi ang mismong mga kababaro niya.
Ang sinapit ni Chan ay hindi nakapagtataka batay sa madugo niyang kasaysayan. Iilan lamang ang may interes na patayin siya — ang kanyang mga kasama sa death squad o mga elemento ng AFP na gumagamit sa kanila sa mga iligal na aktibidad at naglalagay sa kanila sa kapahamakan.
Ang pagpaslang sa kanya ay isa lamang patunay na hindi totoo na nalalagay sa tahimik at malayo sa armadong tunggalian ang mga sumusurender. Nagpapakita rin ito kung anong klaseng mga tao ang piniling samahan at pagsilbihan ni Chan — traydor, berdugo at mga mersenaryo.