Pinadalhan ng subpoena ng Philippine National Police (PNP) si Jacob Baluyot, associate editor ng The Catalyst, opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) at national chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag-PUP, kaugnay ng protesta noong Set. 21 sa Mendiola Street sa Maynila.
Bahagi ang protesta ang pagkondena sa malawakang korupsiyon sa pamahalaan at paggunita sa ika-53 na anibersaryo ng Martial Law, kung saan iba’t ibang mga sektor ng lipunan ang dumalo, kabilang ang mga estudyante. Pangunahing panawagan ang pagpapanagot sa lahat ng mga kurakot na opisyal ng gobyerno.
Bandang alas-tres ng hapon noong Okt. 7, personal na pinuntahan si Baluyot ng mga pulis sa kanilang bahay upang ihatid ang subpoena. Iniimbitahan ng mga awtoridad si Baluyot upang tumestigo umano hinggil sa marahas na dispersal sa Mendiola.
Nakasaad sa dokumento na maaaring sampahan ng kasong Indirect Contempt of Court si Baluyot, alinsunod sa Rule 71 ng Rules of Court at Republic Act No. 10973 kung hindi siya tutugon sa pinadalang subpoena.
“Malinaw ang lantarang panunupil ng estado sa karapatan ng mga kabataang magprotesta. Isang tahasang paninindak ito na layong takutin ang mga kampus mamamahayag, upang pahinain ang kakayahan naming magsiwalat ng katotohanan at makapagpakilos ng kapwa Pilipino,” giit ni Baluyot sa isang press conference sa Polytechnic University of the Philippines.
Ayon mismo sa opisyal na pahayag ng The Catalyst, nais lang gampanan ni Baluyot ang kanyang tungkulin bilang isang mamamahayag pangkampus at ibalita ang katotohanan gamit ang kanyang kamera at panulat.
Naninindigan naman ang publikasyon na walang maling ginawa ni Baluyot at nananawagan na mas pagtuunan na lamang ng pansin ng PNP ang lumalalang korupsiyon sa pamahalaan imbis na supilin ang mga kabataang mamamahayag.
Higit 277 na mga sibilyan ang hinuli at ilegal na ikinulong ng mga pulis sa gitna ng protesta sa Mendiola, kabilang dito si Gio Caballes, isa ring estudyante ng PUP na nakalaya lang noong Okt. 2.
