Nagprotesta ang mga migranteng Pilipino sa Hong Kong noong Abril 12 para batikusin ang inilulunsad na Balikatan 2023 na nilalahukan ng mga tropa ng US at Pilipino sa maraming bahagi ng Pilipinas. Ayon sa International League of Peoples’ Struggle – Hong Kong and Macau, ang inilulunsad na ehersisyong militar ay malinaw na “interbensyong militar ng US sa Pilipinas at lumalapastangan sa pambansang soberanya” ng Pilipinas.
“Habang ang militar ng US ay binibigyan ng mahusay na pagtrato [ng gubyerno ni Marcos Jr], ang mamamayang Pilipino ay nagdurusa sa sumisirit na singilin sa kuryente at tubig, pagkawasak ng kalikasan, pagkaubos ng mga lupang maaring gamitin ng publiko at pang-agrikultural, napakamahal na mga buwis, at pagkasira ng kabuhayan,” dagdag ng grupo.
Paliwang pa nila, “hindi makatutulong sa mamamayang Pilipino ang Balikatan. Ang pondong nakalaan para sa mga war game ay dapat ilaan na lamang para tugunan ang mahahalagang usapin tulad ng kagutuman at kahirapan, bumabagsak na serbisyong pangkalusugan at edukasyon.”